Ang Bayan » Dalawang organisador ng mangingisda, dinukot sa Bataan


Dinukot ng pinaniniwalaang mga pwersa ng estado ang dalawang kababaihang organisador ng mangingisda na sina Jhed Tamano, 22, at Jonila Castro, 21, noong Setyembre 2 ng gabi. Ayon sa mga nakasaksi, marahas na isinakay sa isang gray na SUV ang dalawa sa harap ng Orion Water District sa Barangay Lati, Orion, Bataan.

Si Tamano ay koordineytor ng Community and Church Program for Manila Bay ng Ecumenical Bishops Forum habang si Castro ay isang boluntir para sa AKAP Ka Manila Bay. Ang AKAP KA Manila Bay ay isang network ng mga mangingisda, taong-simbahan, kabataan at iba pang mga sektor na nagtatanggol sa kalikasan, kabuhayan at tahanan na maapektuhan ng proyektong reklamasyon sa Manila Bay.

Ang dalawa ay parehong nagtapos sa Bulacan State University. Si Castro ay kumuha ng kursong psychology habang si Tamano ay kumuha ng kursong business economics.

Nagboluntir ang dalawa para magsiyasat sa epekto ng sunud-sunod na pagbaha at pagbagsak ng kita ng mga mamamayan sa latian na ilan lamang sa epekto ng reklamasyon sa Manila Bay. Bago ang insidente, naghahanda sina Castro at Tamano para sa isasagawang operasyong relief at konsultasyon sa mga komunidad sa Bataan.

Huli silang nakontak ng kanilang mga kaibigan bandang alas-7 ng gabi noong Setyembre 2 at simula noon ay wala nang balita sa kanilang kalagayan at kinaroroonan. Nakuha pa sa huli nilang tukoy na kinaroroonan ang isang pares ng tsinelas at isang piraso ng sandals na napag-alamang pag-aari ng dalawa. Bago pa man ang insidente, iniulat na ng mga biktima ang paulit-ulit na paniniktik sa kanila.

Kinundena ng Karapatan at iba’t ibang mga grupo sa karapatang-tao ang pagdukot ng mga pwersa ng estado sa dalawa. Sa huling tala ng grupo, sina Tamano at Castro ay ang ika-9 at ika-10 biktima ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!