Ang Bayan » Girian sa loob ng naghaharing alyansa, tumatalim


Walang kaabog-abog na tinanggal sa pwesto bilang deputy speaker ng Kongreso si Gloria Macapagal-Arroyo noong Nobyembre 7 matapos na tumanggi siyang magpahayag ng katapatan kay House Speaker Martin Romualdez. Kasabay niyang tinanggal ang kapwa niya deputy speaker na si Rep. Isidro Ungab, kinatawan ng ikatlong distrito ng Davao City.

Pareho hindi pumirma si Arroyo at Ungab sa isang resolusyon na tuwirang nag-utos na “ipahayag” ng mga Kongresista ang kanilang “paghanga, pakikiisa at suporta” kay Romualdez.

Matatandaang una nang tinanggal sa pwesto si Arroyo bilang senior deputy speaker, ang pangalawang pinakamataas na pwesto sa Kongreso, nang mabisto ang kanyang pakana na patalsikin at palitan si Romualdez noong Mayo.

Ang pinakahuling girian sa loob ng alyansang Marcos-Arroyo-Duterte ay resulta ng hakbang ng Kongreso na tanggalin ang confidential at intelligence funds (CIF) mula sa mga upisina ni Sara Duterte. Gayunpaman, huli lamang ito sa umpugan ng tatlong pinakamasasahol na dinastiya na umiral kahit bago pa sila umupo sa poder.

Kasabay ng pagtanggal ng kapangyarihan ni Arroyo, nag-resign si Rep. Aurelio Gonzales Jr sa partidong PDP-Laban matapos ituro si Rodrigo Duterte bilang nasa likod ng mga atake at pambabanta sa Kongreso. Bago nito, nagbitiw na rin sa partido ang secretary-general na si Melvin Matibag. Pinamumunuan ni Duterte ang PDP-Laban, ang pinakamalaking partido sa panahon ng kanyang rehimen.

Maniobrahang militar

Noong Nobyembre 3, sadyang ibinunyag ng AFP chief na si Romeo Brawner ang aniya’y “mga pakanang destabilisasyon,” sa pamamagitan ng kudeta, laban kay Ferdinand Marcos Jr. Aniya, itinutulak ito ng mga retiradong upisyal at inilalako sa mga nasa aktibong serbisyo.

Tumanggi ang dating kalihim ng Information and Communications Technology na si Eliseo Rio, isang dating upisyal militar at isa sa mga tagapagtatag ng grupong TNTrio, na nagpapakana sila ng “destabilisasyon.” Aniya, ang ikinakampanya ng grupo nilang TNTrio at September Twenty-One Reform Movement ay ang pagrepaso sa nagdaang eleksyong presidensyal para patunayan ang malawakang elektronikong pandaraya na nagpwesto kay Marcos Jr at Sara Duterte sa poder. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng paghapag ng mga petisyon.

Matapos ang dalawang araw, pinabulaanan ng National Security Council (NSC) na may umiiral na pakanang destabilisasyon at sinabing “nagkamali” lamang ng pag-intindi ang mga mamamahayag na nagsulat kaugnay dito. Ayon sa direktor ng NSC na si Eduardo Año, mga “diskusyon” at “pagtatalo” lamang ang nagaganap sa hanay ng mga retiradong upisyal-militar.

Samantala, nagmamaang-maangan si Rodrigo Duterte at nagkukunwaring nalilito siya kung bakit nadawit ang kanyang pangalan sa pakana. Gayunpaman, inamin niyang nakipag-usap siya sa ilang retiradong heneral kung saan sinabi niyang nakikinita niya na magkakaroon ng gulo kung lalawak ang korapsyon sa gubyerno.

Bago nito, binantaan niyang papatayin si minority speaker at ACT Teachers Rep. France Castro dulot ng matagumpay na pagharang ng blokeng Makabayan sa CIF ni Sara Duterte. Inakusahan din niyang may hawak na malaking CIF si Romualdez at kumukopo ng malaking pondo ng Kongreso. Karugtong nito, nananawagan siya na huwag magbayad ng buwis ang mga Pilipino hanggang di natutuos ng Kongreso ang buong badyet nito.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!