Ang Bayan » Giriang US-China, pinaiigting ng kasunduang EDCA


Sisimulan na ng US ang pagkukumpuni sa Cesar Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga sa Marso 20. Bahagi ang airbase na ito ng iniwan ng mga tropang Amerikano noong 1991 matapos ibasura ng Senado ang tratado para palawigin ang paggamit ng US sa mga pasilidad ng Pilipinas. Muli itong ibinabalik sa kontrol ng US sa pamamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA. Inikutan ng kasunduang ito ang probisyon sa reaksyunaryong konstitusyon na kailangang ratipikahan ng Senado ang anumang tratadong magpapahintulot sa pamamalagi ng dayuhang tropa at pasilidad sa bansa.

“Sa Marso 20, iimbitahan namin ang aming US Secretary of the Air Force (Frank Kendall) na magsagawa ng groundbreaking,” buong pagmamalaki pa ng ambasador ng US sa Pilipinas na si MaryKay Loss Carlson noong Marso 11.

Magbubuhos ang US ng $24 milyon para tiyaking mapapakinabangan ng kanilang mga pwersa ang paliparan. Bahagi ito sa $80 milyong pondo na ibubuhos ng US para sa konstruksyon ng mga pasilidad sa loob ng mga kampo ng Armed Forces of the Philippines. Sa ilalim ng EDCA, maaaring magtayo ang US ng mga imbakan ng kanilang armas at tirahan ng kanilang mga sundalo sa mga lugar na iginawad sa kanila ng gubyerno ng Pilipinas. Isusuko ng gubyerno ng Pilipinas at Armed Forces of the Philippines ang awtoridad sa mga lugar na sasakupin ng mga pasilidad na ito.

Isa ang Cesar Basa Air Base sa unang limang pasilidad na “kukumpunihin” ng US para sa sariling gamit. Ang apat pang iba ay Fort Magsaysay Military Reservation sa Nueva Ecija; Lumbia Airfield sa Cagayan De Oro; Antonio Bautista Airbase sa Puerto Princesa, Palawan; at Benito Ebuen Air Base sa Cebu. Nadagdagan pa ang mga ito ng di bababa sa apat pang kampo militar matapos bumisita si US Vice President Kamala Harris noong nakaraang taon. Kabilang sa mga napababalitang target ng US na lugar ang mga prubinsya sa Northern Luzon at karagatan nitong direktang nakaharap sa Taiwan at Taiwan Strait. Inamin mismo ng US Navy na palalakasin nito ang depense kontra sa China.

Sa harap nito, animo’y nagbabala ang China sa pamamagitan ng pagtatanong kung bakit idinadawit ng Pilipinas ang sarili nito sa pangingialam ng US sa katayuan ng Taiwan.

“Kung ang mga bagong site ay nasa Cagayan at Isabela, na malapit sa Taiwan, layunin ba talaga ng US na tulungan ang Pilipinas sa disaster relief sa pamamagitan ng mga EDCA site na ito,” tanong sa isang post na ipinaskil ng Chinese embassy sa Pilipinas. “Nasa pambansang interes ba talaga ng Pilipinas na madawit sa pangingialam ng US sa katayuan ng Taiwan?”

Wala pa man ang direktang panunulsol ng US sa Philippine Strait, agresibo nang itinataboy ng China ang mga barkong pangisda at pampatrol ng Pilipinas sa loob mismo ng teritoryong dagat sa West Philippine Sea. Nitong taon lamang, 10 diplomatic protest na ang isinampa ng Pilipinas laban sa China sa pantataboy nito sa mga bangka at barkong Pilipino.

Pinakahuling mainit na insidente ang pagtutok ng laser beam ng isang barkong Chinese sa isang resupply ship ng Coast Guard ng Pilipinas sa Pag-asa Shoal. Sa ngayon, nananatili ang di bababa sa 40 barkong Chinese sa lugar.

Patuloy pang nagpapalitan ng mga patutsada ang mga ambasador ng China at US na nakabase sa bansa. Inakusahan ng China ang US na nagsasapanganib sa seguridad ng rehiyon sa pamamagitan ng EDCA. Sinagot naman ito ng US na ang China ang nagsasapanganib sa seguridad ng rehiyon dahil presensya nito sa South China Sea.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!