Ang Bayan » Grupo ng mga freelancer na mamamahayag, itinatag


Inianunsyo noong Oktubre 26 ng mga freelancer na mamamahayag ang pagtatatag ng kanilang samahan na Filipino Freelance Journalists’ Guild (FFJ) noong Oktubre 21. Ayon sa FFJ, nabuo ang kanilang samahan matapos ang dalawang taong pagsisikap sa pag-oorganisa at pananaliksik sa pagtatayo ng samahang pangunahing nakatutok sa kagalingan at karapatan ng mga freelancer na mamamahayag sa bansa.

Habang ang aktibidad ay inorganisa ng mga freelancer na mamamahayag mula sa Maynila, tinatanaw ng gremyo na palawakin ang saklaw nito sa ibang mga rehiyon, ayon sa FFJ. “Sa wakas, mayroon nang organisasyong partikular na tatalakay sa pangangailangan at kahingian at mga reklamo ng mga freelancer, laluna sa nagbabagong kalagayan ng midya,” ayon kay Maro Enriquez, ang interim na tagapangulo ng FFJ.

Ipinaabot ni Jonathan de Santos, tagapangulo ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), ang pagbati ng unyon sa gremyo. “Ang pagbubuo ng gremyong ito ay nagpapakita kung paanong ang pakikiisa natin sa isa’t isa ay humahantong sa pag-oorganisa at pagsasama-sama para sa mas malakas na kolektibong aksyon,” ayon kay de Santos.

Ang pagtatatag ng gremyo ay alinsunod na rin sa rekomendasyon ng NUJP sa isang pagtitipon ng mga mamamahayag noong Nobyembre 2022. Ibinatay ito sa isang pag-aaral na ginawa ng organisasyon kaugnay sa kalagayan ng mga freelance na mamamahayag. Ipinrisenta ang pag-aaral sa isa sa mga pulong ng organisasyon noong Nobyembre 19, 2022. Katuwang ng NUJP ang International Federation of the Journalists (IFJ Asia Pacific) sa pag-aaral na isinagawa noong 2021.

Isa sa mga tampok na kinahaharap na suliranin ng mga freelancer na mamamahayag ang hindi sapat na bayad o kompensasyon at kawalan ng proteksyon. Mayorya sa kanila ay kumikita lamang ng ₱15,000 kada buwan. Wala rin silang nakasulat na mga kontrata.

Kinahaharap ng mga freelancer ang pagturing sa kanila bilang expendable o maaaring basta-basta na lamang palitan o tanggalin sa proseso at makinarya ng pagbabalita.

Umaasa ang FFJ na sa pagkakabuo ng kanilang samahan ay mas magiging paborable ang kalagayan ng kanilang hanay sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga programa at kampanya para sa kanilang kagalingan. Ang freelancer ay yaong lumilikha ng balita sa anyong nakasulat, bidyo o audio na hindi para sa eksklusibong gamit ng isang media outlet, istasyon o pahayagan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!