Sama-samang nagmartsa ang higit 600 katao mula sa mga prubinsya ng Southern Tagalog sa Crossing, Calamba City sa Laguna noong Nobyembre 27 bilang paggunita sa araw ni Andres Bonifacio at araw ng masang anakpawis. Pinangunahan ang pagkilos ng mga balangay ng Bagong Alyansang Makabayan, Anakbayan, Pamantik-KMU at Starter-Piston sa Southern Tagalog.
Giit ng mga grupo, marapat lamang na tuluy-tuloy na pag-alabin ang diwang rebolusyonaryo ni Bonifacio sa rehiyon at sa buong bansa. Ipinanawagan ng mga ito ang pagtataguyod sa kabuhayan, karapatan, at kalayaan ng masang anakpawis. Malaki umano ang pananagutan ng rehimeng Marcos sa krisis sa ekonomya at pulitika na kinahaharap ng bayan. “Singilin ang korap, pahirap, at pasistang US-Marcos II,” sigaw ng mga nagprotesta.
Kinalampag nila ang gubyerno para igiit sa partikular ang pagpapataas ng sahod, tunay na reporma sa lupa, paglaban sa palpak at di-makataong PUV Modernization Program, libre at dekalidad na edukasyon, hustisya para sa mga biktima ng pang-aatake ng estado at pagtutol sa lahat ng anyo ng korapsyon ng pangkating US-Marcos-Duterte.
Sa programa, naghandog ng mga talumpati at kultural na pagtatanghal ang mga grupo ng kabataan at mga unyon ng manggagawa. Sa pagtatapos ng pagkilos, winasak ng mga grupo ang isang malaking likhang sining na kumakatawan sa confidential funds ng estado at pasismo ng estado.