Higit 600 katao ang lumahok sa “human chain” sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Pasay City noong Oktubre 18 para ipanawagan ang kagyat na pagpapatigil sa mapanirang reklamasyon sa Manila Bay at maging sa buong bansa. Nagsama-sama sa pagkilos ang mga kabataan, mangingisda, taong-simbahan, at mga tagapagtanggol ng kalikasan sa programang “Save our Sunset, Save Manila Bay, Human Chain Against Reclamation.” Pinangunahan ang pagkilos ng People’s Network for the Integrity of Coastal Habitats and Ecosystems (People’s NICHE), Kalikasan People’s Network for the Environment at Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya).
Lumahok sa pagkilos sina Jonila Castro at Jhed Tamano, mga aktibistang kontra-reklamasyon na dinukot ng militar noong Setyembre. Ayon kay Castro, boluntir ng AKAP KA Manila Bay, “dalawang buwan na ang lumipas nang ipinahayag ni Marcos Jr ang suspensyon ng lahat ng reklamasyon sa Manila Bay…ngunit nasasapanganib pa rin ng mga aktibidad na ito ang mga komunidad sa baybayin.” Anang mga grupo, dapat nang umaksyon ang gubyernong Marcos at maglabas ng kinakailangang dokumento para ipahinto ito.
Binigyang diin ni Fernando ‘Ka Pando’ Hicap, pambansang pangulo ng Pamalakaya, na malaki ang pangambang masisira ang mga pangisdaan at likas na yaman sa Manila Bay dulot ng reklamasyon. “Tinatayang aabot sa 90% ng kita ng mga mangingisda ang matatapyas, at libu-libo ang mapalalayas mula sa mga baybayin para sa mga proyektong ito,” dagdag niya.
Itinampok din ni Hicap na hindi lamang sa Manila Bay nangyayari ang ganitong mapangwasak na mga proyekto kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa. Kaugnay nito, lumahok sa pagkilos ang mga mangingisdang kasapi ng panrehiyong balangay ng Pamalakaya mula sa Bicol.
Binatikos ng mga grupo ang karahasang kinahaharap ng mga nagtatanggol sa Manila Bay at tumututol sa reklamasyon dito katulad ng patung-patong na paglabag sa karapatan nina Castro at Tamano.