Naglunsad ng iba’t ibang aktibidad noong nakaraang linggo ang mga biktima ng superbagyong Yolanda, mga grupong makakalikasan at taong simbahan para patuloy na igiit ang hustisya sa mga biktima ng superbagyo noong 2013. Isinagawa ang mga pagkilos sa Metro Manila at Leyte.
Hindi bababa sa 8,000 katao ang namatay sa hagupit ng bagyo sa unang araw pa lamang ng pagtama nito sa bansa noong Nobyembre 8, 2013. Tinatayang 16.1 milyon ang naapektuhan ng superbagyo na humagupit sa 44 na prubinsya. Labis ang dinanas na paghagupit ng mga komunidad sa Tacloban City, Leyte. Winasak nito ang buu-buong mga komunidad, mga taniman at kabuhayan, ospital, eskwelahan, at iba pang imprastruktura. Umabot sa ₱132.4 bilyon ang naitalang halaga ng pinsala sa buong bansa.
Ayon sa mga grupong nagprotesta sa Mendiola sa Maynila sa pangunguna ng People’s Rising for Climate Justice Philippines (PRCJ-PH) noong Nobyembre 8, malaki ang pananagutan ng gubyerno ng Pilipinas sa sakunang ito. Anila, malinaw ang “kriminal na kapabayaan” ng gubyerno sa pagwasak na hatid ng bagyo at mga kasunod pang sakuna.
Nagpahayag rin ng pakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa mga nakaligtas sa superbagyo. Ani Marco Valbuena, Pinunong Upisyal sa Impormasyon ng Partido, “sinlaki kundi man mas malaking trahedya ng mga nakaligtas sa bagyo… ay ang malubhang pagpapabaya ng magkakasunod na gubyerno mula 2013.”
“Ninakaw ng mga korap na burukrata ang mga pondong pangkalamidad at donasyon na dapat ay diretsong napunta sa mamamayan. Puo-puong libong maralita sa kalunsuran at mga mangignisda sa tabing dagat ang hindi pa lubos na nakatatayong muli dahil sa pagkawasak ng kanilang mga bahay at kabuhayan,” dagdag ni Valbuena.
Giit ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE), 10 taon na ang nakalipas ngunit wala pa ring pagbabago sa pagtugon ng pamahalaan sa mga suliraning pang-klima. Anito, sa kabila ng lumalalang epekto ng pagbabago ng klima sa Pilipinas, ipinagpapatuloy ng administrasyong Marcos Jr ang mga mapangwasak sa kalikasan na mga proyekto.
“Mula bagyong Yolanda hanggang bagyong Goring, walang-pakundangan ang epekto ng pagbabago ng klima sa mga Pilipino…nakararanas tayo ng mas matitinding bagyo at mga tagtuyot, na ibayong pinatitindi pa ng atrasadong mga patakaran ng kasalukuyan at nagdaang mga administrasyon,” ayon kay Jon Bonifacio, pambansang koordineytor ng Kalikasan PNE. Kabilang sa mga proyektong ito ang reklamasyon, malalaking dayuhang pagmimina, mga plantasyon at iba pa.
Itinanghal ng mga grupong pangkultura sa protesta ang mga “taong-putik” na naglalarawan sa pagkalubog sa putik ng mga biktima laluna sa mga komunidad ng Eastern Visayas.
Samantala, nagsagawa ng porum at pagkilos ang National Council of Churches in the Philippines (NCCP) katuwang ang Eastern Visayas Regional Ecumenical Council sa Quezon City noong Nobyembre 7 at Nobyembre 8. Nagtirik sila ng kandila pagkatapos ng programa bilang panawagan ng hustisya.
Isinagawa naman ng iba’t ibang mga grupong pangkalikasan ang isang martsa sa San Juanico Bridge, Sta. Rita, Leyte tungong Tacloban City noong Nobyembre 7. Ang martsang ito ay bahagi ng 30-araw na alay-lakad para gunitain ang ika-10 anibersaryo ng Yolanda.