Sumugod at nagprotesta ang mga kabataan kaninang umaga sa embahada ng US sa Roxas Boulevard sa lunsod ng Maynila para kundenahin ang Balikatan 2023 na sinimulan ngayong araw. Pinamunuan ang pagkilos ng League of Filipino Students (LFS).
Ang Balikatan 2023 ay ehersisyong militar sa pagitan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano na gaganapin sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, pangunahin sa mga prubinsya sa hilagang Luzon. Kalahok dito ang 12,000 tropang Amerikano, ang pinakamalaki sa kasaysayan ng naturang pagsasanay. Ito na ang ika-38 beses na ilulunsad ang Balikatan sa bansa. Magtatagal ito mula Abril 11 hanggang Abril 28.
Ayon sa LFS, ang Balikatan exercises ay “direktang patunay na si Marcos Jr ay buong-buong tuta na ng imperyalismong US.” Kasabay ng sunud-sunod na ehersiyong militar ng US sa bansa ay pinahintulutan pa ni Marcos Jr ang pagtatayo ng dagdag na apat pang base militar ng US sa Pilipinas mula sa dati nang lima sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Paninindigan ng grupo, “simula nang maupo si Marcos Jr sa poder, tuluy-tuloy nang lumakas muli ang presensya ng US military sa ating teritoryo. Tatlo sa apat na pinakamataas na upisyal ng US ang bumisita sa bansa sa loob ng siyam na buwan upang konsolidahin at palawakin ang presensyang militar ng US sa bansa.”
Ayon sa mga estudyante, ang pagtataksil ni Marcos Jr sa soberanya ng Pilipinas ay nagsasapanganib na mahila ang bansa sa gera sa pagitan ng US at China.
Iligal na inaresto sa naturang protesta ang tagapangulo ng alyansang Stand UP na si Gabriel Magtibay at isa pang estudyante. Samantala, walang dahilan ding dinakip ng mga pulis ang apat na paralegal na rumesponde sa dalawa sa presinto.
Nanawagan ang iba’t ibang mga grupo na palayain ang anim na mga inaresto. Kabilang sa nagpahayag ng pakikiisa ang University of the Philippines (UP)-Diliman College of Mass Communication, kolehiyong pinagmulan ni Magtibay.
Giit ng LFS, “ang karahasan ng pulis ay ibayong naglalantad sa ginagampanang tungkulin ng estado bilang tuta ng US sa kapinsalaan ng mamamayang Pilipino.”