Binatikos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Ilocos ang kakarampot na ₱35 dagdag-sahod na inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong nakaraang linggo. Sisimulang ipatupad ang dagdag-sahod ng mga manggagawa sa Nobyembre 6.
“Maliwanag na ang kakarampot na dagdag-sahod na ito ay hindi makasabay sa patuloy na pagsirit ng presyo ng bigas, langis at iba pa,” ayon sa Bayan-Ilocos. Sa pagsusuri ng Ibon Foundation, nakatakda sa ₱1,118 ang nakabubuhay na sahod para sa isang lima-kataong pamilya. Malayong-malayo ito sa kasalukuyang ₱367-₱400 arawang sahod ng mga manggagawa sa rehiyon kahit pa madagdagan ng ₱35 kada araw.
Sa pagpapatupad ng dagdag-sahod, makatatanggap ang mga manggagawa sa agrikultura at mga establisyementong mas mababa sa 10 ang manggagawa ng ₱402. Habang ang mga manggagawang nasa empleyadong may higit 10 manggagawa ay makakukuha ng ₱435 kada araw. Saklaw ng rehiyon ng Ilocos ang mga prubinsya ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan.
Ayon pa sa Bayan-Ilocos, ang napakababa at nahuhuling dagdag-sahod sa rehiyon ay epekto ng bulok na batas sa Wage Rationalization. Samantala, binatikos ng grupo ang malawakang korapsyon ng gubyerno sa tabing ng confidential and intelligence funds habang limos ang tinatanggap na sahod ng mga manggagawa.
Kasabay na inaprubahan ng NWPC ang kakarampot na dagdag na ₱30 sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Western Visayas. Saklaw ng atas na ito ang mga prubinsya ng Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, at Negros Occidental.
Sa panayam ng alternatibong midya kay Pernie Limas, lider ng Iloilo Coca-cola Plant Employees Union, sinabi niyang dismayado sila sa mistulang limos na dagdag-sahod para sa mga manggagawa. “Hindi nga ito makakabili ng isang kilong bigas,” ayon pa kay Limas.
Sa pagpapatupad ng dagdag-sahod sa rehiyon ng Western Visayas, ang kasalukuyang ₱450 ay aakyat tungong ₱480 para sa mga nasa mga industriyang labas sa agrikultura. Habang ang mga manggagawa sa agrikultura ay makatatanggap ng ₱440 mula sa dating ₱410. Nakatakda ang ₱991 nakabubuhay na sahod para sa lima-kataong pamilya sa rehiyon.
Kinundena rin ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang barya-baryang dagdag na sahod na tugon sa matagal nang panawagan ng mga manggagawa. “Walang signipikanteng epekto ito para umunlad ang buhay ng manggagawa,” ayon kay Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU. Giit ng grupo, dapat nang ibalik ang iisang minimum na sahod sa buong bansa at itaas ang sahod sa nakabubuhay na antas.