Ang Bayan » Karumal-dumal na pagbomba ng Israel sa isang ospital sa Gaza, kinundena

October 18, 2023


Mahigit 600 na ang naiulat na napatay sa pambobomba ng Israel sa Al-Ahli Arab Baptist Hospital sa hilangang bahagi ng Gaza kahapon ng umaga. Ang ospital ay isa sa 20 ospital sa Gaza na pinasasara ng Israel dahil sa plano nitong paglusob sa teritoryong Palestino. Tumanggi ang mga duktor at iba pang mga manggagawang pangkalusugan dito na umalis at iwan ang kanilang mga pasyente. Liban sa mga pasyente, daan-daang mga Palestinong napalayas sa kanilang mga bahay ang nakasukob sa ospital sa panahong iyon.

Bumuhos ang kabi-kabilang pagtuligsa sa buong mundo sa panibago at karumal-dumal na krimen sa digma ng Israel.

“Malinaw ang pananagutan ng Zionistang rehimen ng Israel sa pambobombang ito,” pahayag ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas. “Lantaran itong akto ng terorismo ng rehimeng Israel na suportado ng US at bahagi ng gerang henosidyo laban sa mamamayang Palestino. Ito ay isang malalang paglabag sa internasyunal na makataong batas at isang krimen sa digma.”

Sa pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan sinabi nitong “hindi maaaring bigyang-matwid ang nangyari. May pananagutan ang US sa pagmasaker sa mga sibilyan sa Gaza. Dapat batikusin ng buong mundo ang atrosidad na ito.”

Mariin ding kinundena ng World Health Organization ang pambobomba at ang utos ng Israel na ebakwasyon ng mga ospital sa Gaza. Imposible ang ebakwasyon sa naturang ospital, ayon mismo sa WHO, dahil sa napakaraming limitasyon, kabilang ang kasalatan sa ambulansya, istap at pasilidad. Higit sa lahat, wala silang mapaglilipatan.

“Nananawagan ang WHO para sa kagyat at aktibong proteksyon ng mga sibilyan at serbisyong pangkalusugan,” pahayag nito noong Oktubre 17. “Ang utos para sa ebakwasyon ng Gaza ay dapat bawiin. Ang internasyunal na makataong batas ay dapat galangin, na nangangahulugan na dapat aktibong protektahan at hindi kailanman dapat gawing target ang serbisyong pangkalusugan.”

Sa harap ng matinding pagkundena, naghugas-kamay ang Israel sa karumal-rumal nitong krimen. Katuwang ang malaking bahagi ng midya, ipinagkakalat nito na natupok ang ospital dulot sa isang “nagmintis na rocket” ng Hamas. Samantala, hindi pinangangalanan ng mga ng mga bansang todo-todong sumusuporta sa henosidyo ng Isreal ang Zionistang rehimen bilang salarin sa masaker sa kanilang pakitang-taong mga pagkundena.

Mariin pinabulaan ng mga Palestino ang kasinungalingan ng Israel at mga tagasuporta nito.

“Ang mga akusasyon ng kaaway ay huwad at walang batayan,” pahayag ng Palestinian Islamic Jihad. “Pilit na tinatakasan ng Zionistang kaaway ang pananagutan nito sa brutal na masaker na resulta ng pambobomba sa Baptist Arab National Hospital sa Gaza sa pamamagitan ng lagi’t lagi na nitong mga kasinungalingan, at sa pamamagitan ng pagsisisi sa kilusang Islamiko sa Palestine.”

Daan-daang mamamayan sa iba’t ibang bansa sa Middle East ang muling bumuhos sa lansangan para ilabas ang kanilang galit sa pagbomba ng Israel sa ospital. Kabilang sa mga nagprotesta ang Turkish Communist Party sa Turkey na nagtipon sa Islamabad noong Oktubre 17. Sumiklab din ang mga protesta sa harap ng embahada ng US sa Beirut, Lebanon.

Daan-daan din ang nagprotesta sa New York City sa US, ilang oras matapos maganap ang masaker. Anila, hindi “gera” ang nangyayari sa Gaza, kundi lantarang henosidyo.

Sa kaugnay na balita, tuluy-tuloy ang pambobomba ng Israel sa timog na bahagi ng Gaza, kung saan itinataboy nito ang mahigit isang milyong Palestinong nanggaling sa hilaganag bahagi ng syudad.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

VERA FILES FACT CHECK: Video DOES NOT show a ship sunk by China

A Facebook (FB) page uploaded a Reel supposedly of a

Advanced Economies Growth to Decline by Half in 2023: IMF

On Tuesday, the International Monetary Fund (IMF) announced that advanced