Ibinasura ng isang korte sa San Mateo Rizal ang kasong frustrated homicide laban sa organisador ng manggagawa na si Benjamin Cordero noong Nobyembre 29. Inaresto si Cordero noong Oktubre 25, 2022 sa kanyang tinutuluyan sa Quezon City at nakalaya rin matapos magpyansa.
Si Cordero ay lider ng Samahan ng Manggagawa sa Quezon City at tumatayong pinuno sa kampanya ng grupong Defend Jobs Philippines. Dati siyang mag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines.
Sa pahayag ng Defend Jobs, ibinasura ang kaso laban kay Cordero dahil sa ilang ulit na hindi pagsipot sa mga pagdinig ng mga nagreklamo laban sa kanya. Anang grupo, “ang mga kaso laban sa kanya ay malinaw na pulitikal, na layong patahimikin siya at sindakin ang iba pang mga aktibista sa kilusang paggawa.”
“Doon sa apat na pagdinig na iyon ay hindi kailanman dumalo ‘yung mga nag file ng kaso o ‘yung mga complainant,” pahayag ni Cordero sa panayam sa pahayagang Manila Today.
Naniniwala ang Defend Jobs na bahagi ito ng isang “mas malawak na padron ng panghaharas at pang-uusig na kinahaharap ng mga indibidwal at organisasyong nangangahas na hamunin ang mga patakaran ng gubyerno sa karapatan sa paggawa.”
Samantala, ibinahagi ni Cordero na pinag-uusapan pa nila ng kanyang abugado kung ano ang akmang hakbang at kontra-asuntong maaaring isampa sa mga umarestong pulis.
“Pinag-uusapan namin yan ng abogado kung magsasampa ng kontra-asunto pero dahil provisional yung dismissal na in-approve, aantayin namin matapos ang kaso bago mag-file ng countercharges,“ paliwanag ni Cordero.