Ang Bayan » Kaso ng AFP laban kay Jhed at Jonila, kinontra


Naghain noong Nobyembre 7 ang mga aktibistang sina Jhed Tamano at Jonila Castro ng counter-affidavit o pagsalungat sa kasong perjury (pagsisinungaling) na naunang isinampa laban sa kanila ng 70th IB sa Department of Justice (DoJ) sa Maynila. Kasabay nito, naglunsad ng protesta ang mga grupong anti-reklamasyon kung saan kabilang ang dalawang aktibista para batikusin ang tinawag nitong panggigipit ng estado.

Matatandaang ipinadala ng DoJ ang isang subpoena o pagpapatawag kina Jhed at Jonila noong Oktubre 12 para harapin ang mga kasong perjury at slander. Ganti ito ng militar dahil “hindi maikakailang talagang napahiya at supalpal ang mga ahensya ng gubyerno,” ayon sa grupong Release Jonila and Jhed Network.

Matapang na isinawalat ng dalawa na sila ay dinukot, sikretong ikinulong at pinagbantaan ng AFP. Ginawa nila noong Setyembre 19 ang pagbubunyag sa isang press conference kung saan plano ng AFP na iharap sila sa publiko na mga “sumuko” na Pulang mandirigma. Dinukot sila noong Setyembre 2.

Ayon sa grupo, “todo ngayon ang paggamit ng gubyerno sa lahat ng makinarya nito para linisin ang madungis na imahe at gantihan ang dalawang kabataang kababaihan na tumindig laban sa kanilang kawalanghiyaan.”

Noong Setyembre 28, naghain ang mga abugado ng dalawang biktima ng petisyon para sa “writ of amparo” at “habeas data” sa Korte Suprema. Humingi din sila ng pansamantalang proteksyon para sa dalawang aktibista at kanilang mga pamilya sa harap ng nagpapatuloy na mga banta sa kanilang buhay.

Sa kabila ng panggigipit, nagpapatuloy ang dalawa sa paglaban sa reklamasyon sa Manila Bay at pag-oorganisa sa mga komundiad sa paligid nito. Sa kasalukuyan, mayroong pang hindi bababa sa 22 proyektong reklmasyon ang nagsasapanganib sa mga komunidad at kabuhayan ng mga mangingisda sa paligid ng Manila Bay.

Anang grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), “ito marahil ang pinakamahigpit na rason kung bakit nais patahimikin ng gubyerno ang mga progresibong organisasyon at demokratikong mga aktibista [tulad nina Jhed at Jonila] sa lugar.”



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!