Naglunsad ng koordinadong pagkilos ang mga kabataan at estudyante sa 16 na sentro ng protesta sa bansa noong Nobyembre 17 para gunitain ang Pandaigdigang Araw ng mga Estudyante.
Tampok ang pagkilos ng mga estudyante sa University of the Philippines (Diliman, Manila, Los Baños, Tacloban, Iloilo at Mindanao), Polytechnic University of the Philippines, Ateneo de Manila University, University of Sto. Tomas, De La Salle University, Western Visayas State University at iba pang mga pribado at pampublikong pamantasan sa Metro Manila.
Ipinanawagan ng mga kabataan ang karapatan sa edukasyon, pagkilala sa demokratikong karapatan ng mga estudyante at pagtatanggol sa akademikong kalayaan sa loob ng mga kampus. Binatikos din nila ang kapalpakan ng rehimeng Marcos sa pagbibigay ng maayos at makabuluhang serbisyong panlipunan sa bansa.
“Sama-sama nating isulong ang pambansa, siyentipiko, at maka-masang edukasyon!” giit ng League of Filipino Students (LFS). Anang grupo, sa kabila ng panggigipit at panghaharas ng mga pulis matagumpay na naisagawa ang mga pagkilos.
“Hindi natinag ng pananakot ng mga pulis, buong lakas na nanindigan ang mga estudyante na itutuloy ang militanteng tradisyon ng paglaban ng sektor upang magdala ng tunay na pagbabagong panlipunan na nagsisilbi sa mamamayan,” ayon sa LFS.
Ipinahayag din sa mga protesta ang suporta sa mamamayang Palestino sa harap ng henosidyo ng Israel laban sa kanila. Kinundena nila ang imperyalistang US at Zionistang gubyerno ng Israel sa kampanyang henosidyo at pambobomba laban sa mamamayang Palestino.
“Hindi mapipigilan ang pagtindig ng kabataan sa harap ng henosidyo at okupasyon na nangyayari sa Palestine,” ayon sa grupong Anakbayan.