Ang Bayan » Laban ng manggagawa sa Jollibee sa New Jersey, nagpapatuloy


Muling nagprotesta noong Setyembre 8 ang tinanggal na mga manggagawa ng Jollibee Journal Square sa New Jersey para igiit na ibalik sila sa trabaho at dinggin ang kanilang petisyon para sa nakabubuhay na sahod at maayos na kundisyon sa paggawa. Inilunsad ang protesta matapos itanggi ng Jollibee ang mga reklamong inihain ng National Labor Relations Board (NLRB) ng US laban sa kanila kaugnay ng paglabag sa karapatan sa paggawa.

Naghain ng pormal na reklamo ang NLRB noong Agosto 24 laban sa kumpanyang Honeybee Food Corporation, kumpanya ng Jollibee Foods Corporation sa North America, dahil sa paglabag sa karapatan sa paggawa sa restawran nito sa Journal Square. Nagreklamo ang mga manggagawa noong Hulyo matapos sisantehin ang siyam sa kanila noon pang Pebrero dahil sa pangunguna sa isang petisyong kontra sa mababang pasahod at sobra-sobrang trabaho.

Simula pa Hulyo, umani ng suporta ang pagkilos ng mga manggagawa ng Jollibee at inilunsad nitong Justice For Jollibee Workers. Sa kanilang petisyon sa restwaran bago tanggalin, iginiit nilang ipatupad ang mas maayos na mga kundisyon sa paggawa, holiday pay at dagdag na $3 sa sahod kada oras. Hiling nilang gawing $17 kada oras ang kanilang natatanggap na sahod.

Nakasaad sa kaso ng NLRB na dapat dinggin ng Jollibee ang kahingian ng mga manggagawa nito sa Journal Square kabilang na ang pagbabalik sa trabaho ng siyam na manggagawang iligal na tinaggal, pagbibigay ng back pay mula nang sila’y tanggalin, at liham na humihingi ng dispensa sa mga tinanggal.

Dapat din umanong tiyakin ng Jollibee na ipinapabatid nito sa mga manggagawa ang kanilang mga karapatan tulad ng nakasaad sa batas pederal. Hinimok ng NLRB ang Jollibee na ipaskil sa kanilang mga restawran ang karapatan ng mga manggagawa, magsagawa ng pulong kasama sila at iba pang porma. Pinatugon ng NLRB ang Jollibee noong Setyembre 7.

“Ang pagsasampa ng kaso ng NLRB ay nagpapatibay sa aming mga reklamo. Nilabag ang aming karapatan sa pag-oorganisa at napakaraming ebidensya para patunayan ito,” ayon kay Mary Taino, isa sa mga sinisanteng manggagawa.

Dagdag pa niya, naniniwala silang mga manggagawa na makakamtan nila ang hustisya dahil mayroon silang pinanghahawakang mga ebidensya. “Hinihikayat namin ang iba pang mga manggagawa ng Jollibee na ipahayag din ang kanilang mga hinaing. Huwag ninyong hayaan ang malalaking korporasyon tulad ng Jollibee na takutin kayo. Nais lamang natin ng mas maayos na lugar sa paggawa para sa lahat,” paliwanag pa ni Taino.

Noong 2022, nakapagtala ng netong kita ang Jollibee Foods Corporation, na pag-aari ni Tony Tan Caktiong, ng $2.6 bilyon. Si Caktiong ay ika-7 sa 10 pinakamayayamang Pilipino sa bansa. Ang Jollibee ay kabilang sa nangungunang 20 kumpanyang nag-eempleyo ng mga kontraktwal na manggagawa.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!