Kinwestyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang sinasabing mga “benepisyo” ng programang SPLIT (Support to Parcelization of Land for Individual Titling) na itinutulak ngayon ng World Bank at Department of Agrarian Reform (DAR). Saklaw ng programa ang 1.3 milyong ektaryang lupa na ibinigay na sa 750,000 benepisyaryong magsasaka. Pinopondohan ito ng ₱19 bilyong utang mula sa World Bank na babayaran rin ng mamamayan.
“Habang abala ang ahensya (DAR) sa pagbiyak ng mga kolektibong titulo para sa indibidwal na pag-aari ng mga benepisyaryo, gusto rin naming malaman ang kalagayan ng pamamamahagi ng malalaking tipak ng lupa at pag-aari na nakatakda para sa pamamahagi sa mga benepisyaryo.” Isang halimbawa na ibinigay ng grupo ang kabiguan ng DAR na ipamahagi ang lupa sa Hacienda Tinang sa Tarlac sa mga benepisyaryo nito.
Noong 2021, sinabi ng KMP na nasa 161,445 ektarya lamang ang na-isyuhan ng CLOA (Certificate of Land Ownership Award) sa ilalim ng huwad na repormang agraryo. Hindi lahat ng mga benepisyaryo ay nakapusisyon sa iginawad sa kanila na lupa. Walang aktwal na imbentaryo ang DAR kung ilan na lamang sa kanila ang nananatili pa sa lupa. Sa kabilang banda, nakatayo pa rin ang malalawak na asyenda na hawak ng mga panginoong maylupa at kapitalista.
Dati nang binatikos ng KMP ang programa na batid nilang magpapadulas lamang sa rekonsentrasyon ng lupang naipamahagi na sa mga panginoong maylupa. Anito, sapilitang winawatak-watak ng SPLIT ang mga kolektibong CLOA para itransporma ang mga lupa nito tungong kolateral sa pautang o ipasok sa makadayuhang agrarian venture agreement o mga kasunduan para sa komersyal na plantasyon o hasyenda.