“Hindi yan totoo! Maghahanap ako ng hustisya para sa aking asawa!” Buong paghihinagpis na sigaw ni Nora Tobalado, asawa ng magsasakang si Braulio Tobalado o Banny. Si Banny ay pinatay ng mga sundalo ng 62nd IB sa bakuran ng kanyang tahanan sa Sityo Karanawan, Barangay Amuntay, Binalbagan, Negros Occidental noong Disyembre 6 ng alas-5 ng umaga. Pinalalabas siyang napatay sa isang armadong engkwentro.
Salaysay ni Nora, kumatok ang mga sundalo ng 62nd IB sa bahay nila bandang alas-5 ng umaga na agad namang pinagbuksan ng kanyang kapatid, noo’y kasama ni Banny. “Tapos sumunod siya (si Banny) at tinanong siya ng mga sundalo. Ikaw ba si Banny? Sagot ng asawa ko, oo,” kwento ni Nora.
Pinababa umano ng mga sundalo ang kanyang asawa sa bahay at pinapunta sa likod nito. Giit umano ng kanyang asawa: “Dito nalang sir.” Pinilit siya ng mga ito, dinala sa likod ng bahay at doon binaril at pinatay.
“Hindi na inimbestiga ang aking asawa at agad na lang pinatay. Diretso nilang binaril!” galit na galit na sambit ni Nora. Para pagtakpan ang kanilang krimen, pinalabas ng 62nd IB na nakakumpiska sila ng mga armas at kagamitang militar mula kay Banny at buong kasinungalingang ipinagkakalat na kasapi siya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
“Kahit gaano pa karaming baril ang itinanim sa asawa ko, hindi totoo iyan!” giit ni Nora.
Pinasinungalingan na rin ni Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, ang paratang na nagkaroon ng engkwentro sa naturang sityo.
“Wala silang respeto! Sana ang kanilang kalaban, yan ang hanapin nila,” ayon pa kay Nora. Hinamon niya ang mga sundalo ng 62nd IB na pumasok sa kagubatan at doon maghanap ng kanilang armadong kalaban. “Hindi iyong ang mamamayan ang gagantihan nila at papatayin,” aniya.
Labis ang pighati ng pamilyang Tobalado dahil kalilibing lamang ng kapatid ni Nora noong Disyembre 5, isang araw bago ang pagpatay kay Banny.
Naulila ni Banny ang kanyang apat na anak at asawang si Nora. Simula pa 2014 ay naging miserable at mahirap ang buhay ng kanilang pamilya dahil pinararatangan ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mga tagasuporta ng hukbong bayan.
Kinundena ng Human Rights Advocates Negros (HRAN) ang karumal-dumal na pagpatay ng 62nd IB kay Tobalado. Anang grupo, “dagdag na naman ito sa mahaba nang listahan ng mga sibilyang pinaslang sa madugong kampanya ng operasyong kontra-insurhensya kung saan sadyang tinatarget ng mga paglabag sa internasyunal na makataong batas ang mga sibilyan.”
_____
Bidyo mula sa Radyo Bandera Sweet FM Kabankalan 102.9
Pagsasalin at subtitle ng PRWC