Dinukot ng mga pwersa ng 15th IB ang magsasakang si Waren Cadarin sa Sityo Indangawan, Barangay Manlucahoc, Sipalay noong Nobyembre 4 bago pinalabas na napatay sa isang engkwentro sa Barangay Yaoyao, Cauayan noong Nobyembre 7. Ito ay ayon sa ulat ng grupo sa karapatang-tao na September 21 Movement South Negros.
Kinumpirma ng grupo ang pagkakilanlan ni Cadarin bilang isa sa dalawang pinatay ng 15th IB sa Barangay Yaoyao. Bago nito, pinabulaanan din ng lokal na yunit ng Bagong Hukbong Bayan na walang engkwentrong naganap sa lugar.
Anito, “una nang nakita ng mga residente na may dalawang sibilyan na dala ang militar at pumasok sa gubat.” Kasunod nito, nakarinig ang mga residente ng sunud-sunod na putok.
Sa paghahanap ng pamilya sa biktima, natagpuan nila ang tsinelas ng biktima sa bukid nito noong Nobyembre 4. Ipina-blotter pa nila ito sa pulis nang hindi umuwi ang biktima. Sa sumunod na araw, nanawagan ang mga kaanak ni Cadarin sa publiko sa isang lokal na radyo sa Sipalay City para ipanawagan ang kanyang pag-uwi.
“Umiiyak ang pamilya dahil hindi sila makapaniwala na si Cadarin ang pinatay at pinararatangang kasapi ng NPA,” ayon sa Septembre 21 Movement. Labis ang kanilang galit sa sinapit ng kanilang kamag-anak.
Ang pagdukot at kasunod na pagpatay kay Cadarin ng mga pwersang militar ay malaon nang kalakaran ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Sa talaan ng Ang Bayan, hindi bababa sa 133 o halos dalawa kada linggo ang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Marcos.