Iniulat ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Sultan Kudarat ang sadyang pagpatay ng 37th IB sa nadakip nitong mandirigma ng BHB na si Rafael Zambrano (Ka Dodong/Tres), 27 anyos, residente ng Sityo Surong, Barangay Hinalaan, Kalamansig, Sultan Kudarat noong Oktubre. Sa ulat ng mga residente, ipinailalim siya sa tortyur at pinilit na maggiya bago paslangin sa isang pekeng engkwentro. Naulila niya ang kanyang tatlong anak.
Si Zambrano ay nadakip ng mga sundalo sa isang bahay sa Sityo Bugkog, Barangay Limulan, bandang alas-7 ng umaga noong Oktubre 8. Ginapos siya at pinaputukan sa harap mismo ng mga kapitbahay. Makalipas ang dalawang araw, nagpakana ng putukan o engkwentro ang 37th IB sa Sityo Kalamagan, Barangay Limulan nang bandang alas-11 ng gabi. Walang yunit ng BHB sa lugar sa panahong iyon. Kinabukasan, Oktubre 11, bandang alas-10 ng umaga ay natagpuan ang bangkay ni Zambrano na pinalabas ng militar na napatay sa isang “engkwentro.”
“Hindi na bago ang mga kasinungalingan at traydor na pamamaraan ng 37th IB. Katulad ito sa kaso ng pagdakip at sadyang pagpatay kay Jan Rowee Libot noong Hulyo 27 sa Sityo Pusot, Barangay Hinalaan,” ayon sa BHB-Sultan Kudarat.
Si Libot ay dating boluntir na guro ng eskwelahang Lumad na Center for Lumad Advocacy, Networking and Services (CLANS) at kalaunan ay sa Lumad Bakwit School na inilunsad sa Metro Manila. Nag-aral siya ng kolehiyo noong 2014-2018 sa Liceo de Davao-Tagum ng Bachelor in Secondary Education major in English sa tulong ng libreng pagpapaaral ng Mindanao Interfaith Services Foundation.
Anang BHB-Sultan Kudarat, gustong pagmukhain ng 37th IB na lehitimo ang kanilang mga pagpatay para pagtakpan ang karumal-dumal na krimen at paglabag sa internasyunal na makataong batas. Giit nito, pinatutunayan lamang ng mga kasong ito ang tunay na mukha ng AFP na mabangis, bayaran at pasista.