Ang Bayan » Manggagawa sa mundo, kumikilos para harangin ang suportang militar sa Israel


Hinarang ng mga manggagawa at aktibistang Amerikano ang pagdaong noong Nobyembre 3 ng isang barko sa Oakland, Oregon sa US matapos nilang mapag-alamang papunta ito sa Tacoma, New Washington para magkarga ng mga armas patungong Israel. Ang pagkilos ay tugon sa panawagan ng mga manggagawa ng Palestine sa kapwa nila manggagawa sa buong mundo na pigilan ang pagpapadala ng mga armas sa Israel sa kani-kanilang mga bansa.

Tinangkang palayasin ng mga pulis ang mga raliyista sa daungan pero nagpursige ang mga ito. Siyam na oras nilang napigilan ang paglayag ng barko bago ito tuluyang makaalis papuntang New Washington. Doon, isa pang grupo ng mga aktibista ang naghihintay para pigilan itong makapaglayag.

Sa ibang bahagi ng US, nanawagan ang mga myembro ng mga unyon sa ilalim ng International Union, United Automobile, Aerospace and Agricultural Implement Workers of America (United Auto Workers) na manindigan para sa mamamayang Palestino. “(N)ananawagan kami sa lahat ng mga manggagawa, sa aming mga lider-unyon, at sa UAW International na igiit ang kagyat na pagtigil sa brutal na pananakop ng Israel sa Gaza at lahat ng pagpopondong militar sa Israel,” pahayag nila noong Oktubre 28.

Nanawagan din silang suportahan ng UAW ang kilusang Boycott, Divestment, and Sanctions (BDS) laban sa lahat ng mga kumpanya at kapitalistang kasabwat sa kampanyang henosidyo. “Sa kasaysayan, binigo ng kilusang manggagawa sa US ang mamamayang Palestino,” ayon sa pahayag ng mga manggagawa. Tinutukoy nila rito ang aktibong suporta at sa aktwal ay pagbibigay ng pondo ng American Federation of Labor para sa konstruksyon ng mga Zionistang settlement sa mga lupa ng Palestino.

“Moral na pananagutan nating kilalanin ang kasaysayang ito at itulak ang kilusang paggawa na pumanig sa mamamayang Palestino.” Marami nang myembro ng UAW ang sumali sa mga protestang inilulunsad sa iba’t ibang bahagi ng US.

Nanawagan naman ang Stanford Graduate Workers Union ng Stanford University na iatras ang pamumuhunan nito sa Lockheed Martin, Raytheon, Caterpillar, Boeing, at lahat ng mga kumpanyang sangkot at may pananagutan sa karahasan sa Palestine at iba pang parte ng mundo.

Sa Spain, nakiisa ang mga manggagawa sa daungan ng Barcelona sa pamamagitan ng pagtanggi na magkarga sa anumang barkong magdadala ng armas papuntang Israel. “(N)agpasya kami sa loob ng aming asembleya na hindi namin pahihintulutan ang anumang barkong nagdadala ng materyal para sa gera sa aming daungan, sa layuning protektahan ang sibilyang populasyon, saanman silang teritoryo,” pahayag ng Organització d’Estibadors Portuaris de Barcelona, noong Nobyembre 6.

Sa Belgium, ipinanawagan ng apat na unyon ng ground crew sa iba’t ibang paliparan ng bansa sa kanilang mga myembro na tumangging magkarga o magbigay ng ground support sa anumang flight o byahe ng eroplano na magdadala ng gamit-militar sa Israel o Palestine.

“Habang nagaganap ang henosidyo sa Palestine, nakikita ng mga manggagawa sa iba’t ibang paliparan sa Belgium ang pagpapadala ng armas sa mga warzone,” pahayag ng CNE, UBT, Setca et Transcom. “Kami, mula sa iba’t ibang unyon na aktibo sa mga paliparan, ay nananawagan sa lahat ng mga myembro na huwag magbigay ng suporta sa mga eroplanong magdadala ng gamit militar sa Palestine/Israel, katulad ng pagtanggi natin sa simula ng sigalot ng Russia at Ukraine,” ayon sa mga unyon.

Isa sa mga paliparang ito ay ang Liege Airport, sa silangang bahagi ng bansa, na ginagamit na daanan ng mga armas mula sa US papuntang Israel. Noong Nobyembre 5, tumanggi ang unyon dito na tanggapin ang isang shipment ng mga armas na papunta sa Tel Aviv.

Sa France, naglabas ng suportang pahayag ang Emancipation, isang grupo na binubuo ng mga istap sa edukasyon ng apat na unyon (CGT, FO, FSU at SUD), para himukin ang lahat ng mga unyon sa bansa na suportahan ang Palestine at gumawa ng mga hakbang para itigil ang henosidyo. Anito, suportado ng gubyerno ng France ang henosidyo sa Palestine at ang todong Kanang gubyerno ni Benjamin Netanyahu.

“Mula 2013 hanggang 2022, nagbenta ang France ng armas na nagkakahalaga ng €206.7 milyon (₱12.295 bilyon) sa Israel. Sangkot sa mga krimen sa digma ng Israel ang dalawang kumpanyang French, ang Thaes at Safran, na inimbwelto ang sarili sa pamamagitan ng pagbebenta ng armas sa Israel, gayundin ang gubyernong naghikayat sa ganoong bentahan,” ayon sa pahayag ng grupo.

Sa United Kingdom (UK), nagpahayag ng suporta ang National Union of Rail, Maritime and Transport Workers (RMT) sa panawagan ng mga unyong Palestino. Bahagi sila sa dambuhalang mga martsa na nagaganap sa bansa mula pa noong nakaraang buwan. Isinagawa nila ang mga martsa sa gitna ng inilulunsad nilang mga welga para sa makatarungang pagtaas ng sahod.

Nagpasa naman ng mosyon ang unyong United Tech & Allied Workers (UTAW) ng UK na nagsasaad na tatanggi ang mga manggagawa nito na “lumikha o magpaunlad ng mga armas na mapupunta sa Israel,” kabilang ang anumang teknolohiyang militar tulad ng software at cloud services. Ang UTAW ay isang sangay ng mga unyon sa ilalim ng Communication Workers Union ng UK. Nagpahayag silang magpadala ng ayudang pampinansya para sa mamamayang Palestino at para sa mga “direct action” laban sa mga kumpanyang gumagawa ng mga armas para sa Israel.

“Sangkot (sa henosidyo) ang industriya sa teknolohiya,” ayon sa unyon. “Maraming kumpanya ang may pampinansyang interes sa Israel, kabilang sa mga kontrata na nagpapanatili sa rehimeng apartheid at militar nito.” Isa rito ang Project Nimbus ng militar ng Israel na tinatrabaho ngayon ng Google at Amazon. Mahigit 1,000 manggagawa sa mga kumpanyang ito ang kumontra sa proyektong ito bilang bahagi ng kampanyang “No Tech for Apartheid.”

Sa Scotland, inilunsad ng sangay sa Glasgow ng unyong Unite Hospitality ang kampanyang “Serve Solidarity” para himukin ang mga hospitality workers (mga bartender, waiter at iba pang manggagawa sa mga bar at restoran) sa United Kingdom na i-boykot ang mga produkto ng mga kumpanyang sangkot o may kinalamansa henosidyo ng Israel. “Natatangi at sentral ang papel ng mga hospitality worker sa buhay panlipunan, pangkultura at pang-ekonomya ng mamamayan sa Glasglow,” pahayag ng unyon noong Oktubre 26.

“Wala ni isang inumin o pagkain ang maihahain o kantang mapatutugtog (sa mga bar at restoran) kung wala ang ating pahintulot. Nananawagan kami sa kapwa naming mga manggagawa sa sektor na kilalanin at gamitin ang kolektibong lakas na ito at itaguyod ang matagal nang kasaysayan ng syudad laban sa apartheid at inhustisya.” Kinakatawan ng sangay ang 2,000 manggagawang hospitality sa Glasgow.

Sa Italy, nagpasa ng mosyon ang S.I. Cobas, unyon ng mga manggagawa sa sektor ng logistics at nangakong haharanging ang lahat ng mga shipment ng armas patungong Israel. Ang Italy ang pangatlong pinakamalaking suplayer ng armas sa Israel, pangunahin ang kontrolado ng estado na kumpanyang Leonardo (bumili ng Augusta).

Sa India, nanawagan ang All India Central Council of Trade Unions, kumakatawan sa 600,000 manggagawa, sa lahat ng unyon sa bansa para pigilan ang pagmanupaktura o transportasyon ng armas papuntang Israel.

Sa South Africa, naglunsad ng National Day of Action ang General Industries Workers Union of South Africa (GIWUSA) noong Oktubre 20. “Malinaw na malinaw sa amin kung sino ang may pananagutan sa mga pagpatay at paghihirap,” pahayag ng unyon noong Oktubre 18. “Ang may pananagutan sa gerang ito ay ang Zionistang kolonyalistang estado ng Israel at ang rehimen nito.

Ang pagsiklab (ng sigalot) ay tugon sa dekada-dekada nang pananakop, agresibong ekspansyon ng mga settlement ng Hudyo laban sa mga Palestino, ang araw-araw na pagpapahiya at pagyapak sa pagkatao.” Gayundin, ipinanawagan nila ang pag-atras ng pamumuhunan ng African National Congress sa MILCO, isang kumpanyang Israeli.

Sa Canada, nagpasa ng resolusyon ang Canadian Union of Public Employees (CUPE), ang pinakamalaking unyon sa Canada na may 740,000 myembro, para ipanawagan sa gubyerno ng kanilang bansa na igiit ang kagyat na tigil-putukan sa Palestine at itigil ang pagbebenta ng armas sa Israel, wakasan ang diplomatic immunity na iginawad nito sa gubyerno ng Israel at ipatigil ang blokeyo ng Israel sa Gaza.

Sa Japan, nagpahayag ng pakikiisa ang National Railway Motive Power Union of Chiba. Anito, lalaban sila para pigilan ang plano ng administrasyong Kishida na magbigay ng armas, ayudang pinansyal o kahit anong suporta sa Israel.

Sa Poland, nanawagan ang General Alliance of Trade Unions in Poland (OPZZ), ang pinakamalaking alyansa ng mga unyon sa bansa, sa kanilang gubyerno na itigil na ang kooperasyon nito sa Israel.

Noong Oktubre 20, nagpahayag ng suporta ang International Alliance of App-Based Transport Workers (IAATW), sa mamamayan ng Palestine. Kinatawan ng alyansang ito ang mahigit 100,000 app-based drayber sa 18 bansa. “Bilang mga manggagawa, nakikiisa kami sa libu-libong inosenteng manggagawa, maysakit, bata, kababaihan at kalalakihan na umiinda sa brutalidad at sakuna.”

Ang mga aksyon ng iba’t ibang unyon ay tugon sa panawagan noong Oktubre 16 ng 30 unyong Palestino sa ilalim ng Palestinian General Federation of Trade Unions para manindigan at gumawa ng mga aksyon ang mga unyon at manggagawa sa buong mundo para pigilan ang pag-aarmas ng mga bansa sa Israel. Panawagan nito ang 1) tumanggi ang mga manggagawa na lumikha ng mga armas para sa Israel; 2) tumangging magkarga ng mga armas patungong Israel at; 3) magpasa ng mga mosyon ang mga unyon kaugnay dito.

Liban sa mga unyong nabanggit sa itaas, tumugon din sa panawagan ang mga unyong Sintacarbon (Colombia), NTEU University of Melbourne (Australia), ACV-Transform (Belgium), UMUT-Sen (Turkey), Public Services International, Workers Art Collective (International) at United Metalworkers Union (Turkey).

Sa Pilipinas, nakiisa ang Kilusang Mayo Uno, sentro ng mga unyon sa Pilipinas, sa pakikibaka ng mamamayang Palestine.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!