Ang Bayan » Matandang magsasaka, pinatay ng militar sa Masbate


Kinundena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Masbate ang pagpatay ng mga sundalo sa 67-anyos na magsasakang si Naldo Canama sa Sityo Angkay, Barangay Tubog sa bayan ng Cawayan noong Setyembre 7. Lulan ng motorsiklo ang tatlong armadong elementong bumaril at pumatay kay Canama.

Si Canama ang ika-19 na biktima ng pampulitikang pamamaslang sa prubinsya sa ilalim ng rehimeng Marcos. Nanawagan ng hustisya ang PKM-Masbate at kaanak ng biktima matapos ang karumal-dumal na krimen.

“Nagkakamali ang [mga pwersa ng estado] kung iisiping magtatagumpay sila na ilugmok sa takot kaming mga masang Masbatenyo. Sa halip, lalo lamang nila kaming itinutulak sa sukdulan at dinadagdagan ang batayan para magrebolusyon at armadong lumaban,” giit ng PKM-Masbate.

Ang pamamaril at pagpatay ng mga sundalo sa mga sibilyan ay tahasang paglapastangan sa mga internasyunal na makataong batas, mga batas ng digma at iba pang internasyunal na deklarasyon na nagbibigay ng proteksyon sa mga sibilyan at di-kombatant saan man may armadong sigalot.

Ipinagbabawal sa ika-32 Artikulo ng Fourth Geneva Conventions ang anumang hakbang na magreresulta sa pagdurusang pisikal o pagpuksa sa mga taong nasa ilalim ng proteksyon nito. Anito “…hindi lamang ito aplikable sa pagpatay, tortyur, pananakit, mutilation (pagputol sa anumang bahagi ng katawan) …kundi maging sa iba pang pamamaraan ng brutalidad, gawa man ng ahenteng sibilyan o militar.”

Labag din ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng Gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines.

Ngunit sa kabila nito, tiyak ang PKM-Masbate na may mananagot sa krimeng ito at sa napakarami pang ibang paglabag sa karapatang-tao sa prubinsya. Anang PKM, “panahon lang ang hinihintay…saanma’y bulnerable silang target ng mga taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan.”



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!