Isinagawa ng grupong Anakbayan ang isang candle lighting at protesta sa harap ng Philippine General Hospital sa lunsod ng Maynila noong Setyembre 8 para ipagtanggol ang karapatan ng kabataan sa libreng edukasyon. Binatikos nila ang kakulangan ng suporta ng estado sa sektor at mga mapaniil na patakaran nito tulad ng binabalak na mandatory ROTC.
“Saksi tayo ngayon sa nagpapatuloy na mga atake sa ating mga demokratikong karapatan at pagbabaliktad sa mga pinaghirapan nating mga tagumapay,” ayon sa grupo. Dalawa sa mga tagumpay na ito ang libreng tuition sa kolehiyo na nais ngayong tanggalan ng pondo ng estado at ang dati nang naibasurang mandatory ROTC na nais ibalik ngayon ng rehimeng Marcos.
Aktibong itinutulak ni Sec. Benjamin Diokno ng Department of Finance na amyendahan ang batas na nagbibigay ng libreng tuition sa lahat ng mga estudyante at ibigay na lamang ang karapatan na ito sa “karapat-dapat” na mga estudyante.
“Naniniwala kami na lahat ng mga estudyanteng Pilipino ay karapat-dapat sa libreng edukasyon dahil ito ay isang karapatan,” pahayag ng Anakbayan. Tinawag nitong anti-estudyante si Diokno at sinabing mas “di sustenable” ang milyun-milyong sweldo niya kumpara sa ₱65 kada araw lamang na ginagastos ng gubyerno sa bawat estudyante sa kolehiyo sa ilalim ng free tuition fee law.
“Limitado na nga yung nakatatamasa ng libreng edukasyon sa bansa natin tatapyasan pa ng budget,” pahayag ni Kate Almenzo, tagapagsalita ng grupo.
“Mas nakagagalit na naglalaan ang gubyerno ng ₱61.2 bilyon para sa implementasyon ng mandatory ROTC, confidential at intelligence funds, contigent funds, presidential travel funds at NTF-Elcac state terror funds,” ayon sa grupo.
Binatikos din ng grupo ang mga militarista sa gubyerno na nagtutulak na ibalik ang mandatory ROTC, dalawang dekada matapos ito ibasura, sa tabing ng “patriyotismo” at “disiplina.”
“Gaano man karami ang mga lektura sa pekeng patriyotismo galing sa mga katulad nina Robin Padilla at Bato de la Rosa, hinding-hindi kami makukumbinse na dapat rekisito sa lahat ng mga estudyante ang ROTC,” anito.
“Sa gitna ng kadiliman na patuloy na sumasaklot sa ating bayan, kaming mga kabataan ay titindig at magdadala ng liwanag sa lahat ng sulok ng ating bansa. Hindi namin hahayaan na burahin ng nasa kapangyarihan ang natitira sa ating mga demokratikong karapatan,” panata ng grupo.