Ang Bayan » Mga estudyante ng UP Diliman, nagprotesta sa unang araw ng klase


Nagtipon nitong Martes, Setyembre 12, ang mga estudyante ng University of the Philippines (UP)-Diliman sa Palma Hall sa kampus nito sa Quezon City para magprotesta kasabay ng pagbubukas ng klase para sa bagong akademikong taon sa unibersidad. Iginiit ng mga estudyante ang kanilang demokratikong karapatan at tinutulan ang planong pagkaltas sa badyet sa UP at panukalang ibalik ang Mandatory ROTC.

Ipinanawagan din ng mga estudyante at organisasyon, sa pangunguna ng University Student Council, ang pagkakaroon ng sapat na espasyo para sa kanilang mga aktibidad. Kaugnay ng panawagan, pumirma ng nagkakaisang pahayag ang mga organisasyon.

Binatikos nila ang nagpapatuloy na atake ng mga pwersa ng estado sa mga lider-estudyante ng UP kabilang ang pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso. Sa harap nito, ipinanawagan nila sa mga upisyal ng UP Diliman na manindigan laban sa mga pag-atakeng ito kabilang na ang panghihimasok ng pulis at militar sa kampus na tahasang banta sa kalayaang pang-akademiko sa pamantasan.

Dumalo din sa pagkilos ang mga manininda sa loob ng kampus at mga residente sa mga komunidad na nakapalibot sa UP. Ipinabatid ng mga manininda at residente ang kanilang mga hinaing sa mga upisyal ng UP Diliman kabilang na ang banta sa kanilang kabuhayan at demolisyon.

Inaasahan naman ng konseho ng mga mag-aaral na haharapin sila ni UP Diliman Chancellor Edgardo Vistan sa isang dayalogo sa Huwebes para talakayin ang mga isyu ng mga estudyante at komunidad ng UP.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!