Ang Bayan » Mga kaanak ng biktima ng sapilitang pagkawala, nagtipon


Nagsama-sama ang mga kaanak at kaibigan ng mga biktima ng sapilitang pagkawala at pagdukot ng mga pwersa ng estado sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City noong Nobyembre 2, para alalahanin sila at igiit ang paglilitaw sa kanila. Hindi bababa sa 2,000 ang naitalang biktima ng sapilitang pagkawala simula panahon ng diktadurang Marcos Sr.

Sa pangunguna ng Desaparecidos (Families of the Disappeared for Justice), nag-alay ng talumpati, tula, awitin, mga sayaw, bulaklak at panalangin ang mga kaanak at kaibigan ng biktima sa isinagawang programa. Nagtirik din sila ng kandila bilang panawagan ng hustisya.

“Nagtitipon tayo tuwing Nobyembre 2, hindi sa pagluluksa, kundi sa walang-katapusang pag-asa na isang araw, hindi na natin kakailanganing magtirik ng kandila o mag-alay ng bulaklak sa pagkawala ng ating mga minamahal, dahil ang araw na ito…ay magiging araw ng pagkamit ng hustisya,” ayon sa grupo.

Kabilang sa dumalo sa pagtitipon si Nicole, ang nakababatang kapatid ni Norman Ortiz na dinukot ng mga pwersa ng estado kasama si Lee Sudario noong Setyembre 29 sa Barangay Bantud, Gabaldon, Nueva Ecija.

“Sa mahigit isang buwan na [mula nang dinukot ang aking kapatid], marami na kaming napuntahan, kung saan-saan. May mga saksi din kaming nagsasabi na dinukot sila ng mga armadong militar… Sa paghahanap namin, kung saan-saang kampo na kami naghanap, at sinasabi nilang wala doon,” ayon sa kanya.

“Ang hirap kasing maghanap ng taong itinatago… Sa isang buwan, halos araw-araw ko siyang napapanaginipan… Buti pa sa panaginip, nagkita na kami… Hindi naman kami titigil sa paghahanap, kasi naniniwala kami na buhay pa siya,” pahayag pa niya.

Nagbigay rin ng talumpati sina Jonila Castro at Jhed Tamano sa aktibidad. Sina Castro at Tamano, na kapwa aktibo sa paglaban sa reklamasyon sa Manila Bay, ay biktima ng pagdukot, iligal na detensyon, mental na tortyur at iba pang mga paglabag sa kanilang karapatang-tao ng mga pwersa ng 70th IB, kasabwat ang National Task Force-Elcac. Dinukot sina Tamano at Castro sa Orion, Bataan noong Setyembre 2.

Noong Setyembre 19, matapang na ibinunyag nina Tamano at Castro ang pagdukot sa kanila ng ahenteng militar sa mismong press conference na ipinatawag ng NTF-Elcac para iharap sana sila bilang mga “surenderi.”

Sa pahayag ni Castro, emosyonal niyang inihatid ang pakikiisa sa mga kaanak ng mga biktima. “Sana ay maging sapat po muna ang mga yakap namin sa inyo.. yakap ng pakikiisa, pagdamay,” aniya.

“Sinubukan man iwala ng estado ang pamilya at kasama natin para iwala ang paninindigan at diwa ng paglaban… hinding-hindi sila magtatagumpay… hinding-hindi mangayari iyon,” ayon pa kay Castro. “Ang ginagawa nilang pagdukot, ay pagpapatunay lang na dapat tayong magpatuloy. Hindi dapat masayang ang sakripisyo ng ating mga kasama at minamahal, hindi natin ito sasayangin dahil ipagpapatuloy natin ang laban.”

Sa upisyal na tala ng Karapatan, mayroong 11 biktima ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng rehimeng Marcos II. Ang mga biktima ay sina: Elgene Mungcal, Ma. Elena Pampoza, Ariel Badiang, Renel delos Santos, Denald Laloy Mialen, Lyn Grace Martullinas, Dexter Capuyan, Gene Roz Jamil de Jesus, Bea Lopez, Lee Sudario, at Norman Ortiz.

Liban sa kanila, batay sa talaan ng Ang Bayan, hindi bababa sa 10 indibidwal ang biktima ng pagdukot at sikretong detensyon ng Task Force Storm at 8th ID sa ilalim ng rehimeng Marcos sa Eastern Visayas. Pinaniniwalaang nakapiit ang mga biktima sa kampo ng 8th ID sa Barangay Maulong, Catbalogan.

Kabilang sa mga sikretong ikinulong ang dalawang bagong inang sina Mariel Rebato at Monica Ogacho at kani-kanyang bagong silang na mga anak.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!