Ang Bayan » Mga kandidatong kontra-demolisyon sa Tondo, ginigipit ng militar


Kumakaharap ngayon sa panggigipit ang ilang mga kandidato sa eleksyong pambarangay sa Tondo, Manila dahil sa kanilang paninindign laban sa demolisyon at mapangwasak na mga proyektong “kaunlaran” tulad ng proyektong Skyway ni Ramon Ang at “Tondominium” ni Reghis Romero. Sinisindak sila ng mga pwersang militar, sa pangunguna ng National Task Force-Elcac, sa pamamagitan ng pagbabansag sa kanilang “rekruter ng CPP-NPA-NDFP,” na nagsasapanganib sa kanilang buhay.

Kinundena ng Gabriela at ng balangay nito sa Tondo ang garapalang pakikialam at panggigipit na ito ng militar at NTF-Elcac. Kinilala ang mga target ng panggigipit na sina Phil Tiozon, Rey Dimaano at Isko Manaog, pawang mga kandidato sa eleksyong pambarangay, at ang lider-kababaihang si Fe Crisostomo. Nagpakalat ng mga poster ang militar laban sa apat, na kilala sa komunidad bilang mga makabayan at progresibong kandidato.

Dala-dala nila ang mga usaping kinakaharap ng mga residente ng Tondo. “Kung kailan nagdesisyon silang lumahok sa lokal na eleksyon para patampukin ang isyung may kaugnayan sa pabahay, kahirapan, implasyon, at mababang pasahod, bigla naman silang babansagang mga armadong rebelde,” ayon kay Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Tinawag niya itong “kabalighuan” at “walang-pusong pagpapatuloy sa panggigipit na matagal nang kinahaharap ng mga taga-Tondo dahil sa pagtutol sa agresyong pangkaunlaran.”

Ayon naman sa GABRIELA-Tondo, kilala ng mga residente ang apat bilang mga lingkod bayan “mayroon o walang eleksyon.”

“Walang ibang gagawa ng ganitong pamamaraan kundi ang NTF-Elcac at hinahayaan lang din naman ito ng barangay na isa sa makikinabang sa mga ganitong pamamaraan ng paninira,” ayon pa sa grupo. Malaon nang nagkahimpil ang 11th at 12th civil-military operations battalion sa Barangay 101 at iba pang barangay sa Tondo.

Nanindigan din ang Bagong Alyansang Makabayan-Manila na walang lugar at hindi dapat nakikialam ang militar at NTF-Elcac sa Tondo. Dapat may panagutin sa mapanganib na taktikang ito at sa banta sa kaligtasan at buhay ng apat na biktima, anito.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!