Ang Bayan » Mga kaso laban sa lider-magsasaka at 2 iba pa sa Batangas, ibinasura ng korte


Ibinasura ng isang korte sa Batangas noong Nobyembre 24 ang mga kaso ng illegal possession of firearms and explosives na isinampa ng estado laban sa lider-magsasakang si Ernesto Baez Jr at mga kasama niyang sina Jose Escobio at Jonald Jabonero. Inaresto ang tatlo sa San Juan, Batangas noong Agosto 24 habang bumabyahe.

Ibinasura ang mga kaso matapos mapatunayan na nilabag ng mga pulis ang karapatan ng tatlo laban sa “di makatarungang panghahalughog at pagkumpiska” (unreasonable search and seizure) na nakasaad sa reaksyunaryong konstitusyong 1987. Ayon sa korte, walang naipakita ni katiting na ebidensya ang mga pulis sa akusasyon na si Baez Jr ay aktibong kasapi ng rebolusyonaryong kilusan.

Si Baez Jr ay organisador ng Samahan ng mga Magbubukid sa Batangas (SAMBAT) habang ang kasama niyang si Escobio ay drayber ng sinasakyang niyang multicab nang dakpin ng mga pulis. Sa salaysay nina Escobio at Jabonero, sinundo nila si Baez Jr sa isang resort sa San Juan gamit ang kanilang sasakyan at habang bumabyahe ay sapilitang pinahinto ng mga pulis at iligal na inaresto.

Matapos umano silang tutukan ng baril ay tinakluban ang kanilang mga mukha at sapilitang isinakay sa ibang sasakyan. Matapos ang ilang minuto, muling isinakay ang tatlo sa kanilang sasakyan na mayroon nang itinanim na mga ebidensyang mga baril at pampasabog. Dinala pa umano sila sa tulay sa Barangay Buhay na Sapa sa San Juan at doon pinalabas na nadakip.

Sina Escobio at Jabonero ay nauna nang nakalaya noong Setyembre 3 matapos maglabas ang prosekusyon ng resolusyong kinakailangan munang sumailalim sa paunang imbestigasyon ang dalawa. Kahit pa ilang buwan na nang makalaya, nanatiling salat sa kabuhayan ang dalawa. Hindi na nakapamasada pa si Escobio dahil kinumpiska ng pulis ang kanyang lisensya. Sa huling resolusyon ng korte, inatasan nitong ibalik ng mga pulis ang kanyang lisensya.

“Ang pagbasura sa mga kasong ito ay nagpapatunay sa kawalang-sala ng mga biktima at naglalantad sa AFP-PNP bilang bulok na pasistang mga institusyong pinatatakbo ng mga sinungaling at mamamatay-tao na desperadong supilin ang demokratikong hangarin ng mamamayan,” pahayag ng grupo sa karapatang-tao na Tanggol Batangan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!