Ang Bayan » Mga manggagawa sa Calabarzon, di natuwa sa ₱35-₱50 dagdag sahod


Hindi natuwa ang mga manggagawa sa Region IV-A sa wage order na ipinalabas noong Setyembre 8 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board in Region IV-A. Sa Wage Order No. IVA-20, itataas ang sahod ng buong Calabarzon nang ₱35 hanggang ₱50 para sa mga manggagawa sa agrikultura, di agrikultura, mga manggagawa sa retail at serbisyo, depende pa sa heograpikal na lokasyon nila. Magkakabisa ang kautusan sa Setyembre 24.

“Sa kabila ng masiglang pagpapahayag ng mga manggagawa ng Calabarzon na magbigay ng makabuluhang dagdag-sahod, kibit-balikat ang RWB IV-A sa makatwiran naming panawagan,” pahayag ng Workers’ Initiative for Wage Increase -ST. Nagsampa ang grupo ng petisyon para sa ₱750 uniform wage sa buong Calabarzon. Liban sa kakapiranggot, pinanatili rin ang di pagkakategorya at pag-iiba-iba sa mga sahod sa loob ng iisang rehiyon,” batikos ng grupo.

Sa isinampang petisyon ng mga manggagawa, tinaya nilang nasa ₱929 kada araw ang cost of living sa rehiyon.

“Mailalapit sana dito ang cost of living na ₱1,086 sa rehiyon (ayon sa IBON) at sa pambansang panawagan para sa ₱1100 family living wage kung itinaas sa iisang ₱750 ang sahod sa Region IV-A,” pahayag ng grupo. “Pero parang hindi interesado ang RWB IV-A sa pagkakamit ng family living wage.”

Sa harap ng kautusan, panawagan ng mga manggagawa sa Southern Tagalog na tuloy ang laban.

“Dapat lalong palakasin ang mga pagkilos at panawagan sa iba’t ibang mga venue para mapataas ang sahod sa buong bansa.” Panawagan nila ang pagkamit ng nakabubuhay na sahod para sa lahat.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!