Ilandaang Pilipino ang lumahok sa inilunsd na pambansang martsa na tinawag na National March on Washington for a Free Palestine na isinagawa sa Washington DC sa US noong Nobyembre 4. Tinatayang 300,000 ang lumahok sa naturang martsa mula sa mahigit 300 organisasyon para ipanawagan ang paglaya ng Palestine, pagpapatigil sa henosidyo ng Israel sa Gaza at pagwawakas ng suporta ng US sa Israel.
Ang delegasyon ng mga Pilipino sa protesta ay pinangunahan ng Malaya Movement USA at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-USA. Ayon sa Malaya Movement USA, maituturing itong pinakamalaking mobilisasyon sa US bilang suporta sa Palestine.
Ang pakikiisa umano ng mga Pilipino sa protesta ay “pagpapakita ng matibay na suporta sa mamamayang Palestino na nakikipaglaban para sa kalayaan at soberanya sa harap ng pasistang pang-aapi, marahas na Zionistang kolonyal na okupasyon at henosidyo.”
Kinundena rin ng grupo ang pagiging sangkot ng gubyerno ng Pilipinas sa pamumuno ng pasistang si Marcos Jr na walang-imik sa maramihang pagpaslang ng Israel sa mga Palestino. Isa umanong malaking krimen ang pag-abstain ng gubyerno ng Pilipinas sa resolusyon sa United Nations na magbigay ng “humanitarian pause” sa Gaza.
Sa huling tala noong Nobyembre 7, tinatayang umabot na sa 10,328 ang pinaslang ng Israel mula Oktubre 7. Higit 4,100 sa mga ito ay bata. Umaabot na sa 25,000 toneladang bomba ang inihulog ng Israel sa Gaza.
“Bilang mga Pilipino, alam namin kung paano makibaka laban sa dayuhang pananakop at dominasyon, kung paanong lumaban para pambansang kalayaan,” ayon kay Nina Macapinlac, upisyal ng Bayan-USA.
Aniya, “ang pagpapalaya sa mga Pilipino at Palestino ay hindi mapaghihiwalay dahil mayroon tayong komun na kaaway. Kaya tumindig tayo at magkapit-bisig… at bumuo ng anti-imperyalistang pagkakaisa.”