Ang Bayan » Mga punitibong aksyon laban sa masasamang elemento sa Northern Samar


Iniulat kamakailan ng Bagong Hukbong Bayan-Northern Samar (Rodante Urtal Command) ang serye ng mga punitibong aksyon na isinagawa ng mga yunit ng hukbong bayan sa Northern Samar laban sa masasama at kontra-rebolusyonaryong elemento sa bayan ng Las Navas. Tatlong elemento ang tinarget sa mga aksyong inilunsad noong Abril sa Barangay San Miguel, isang baryong ilang taon nang kinakampuhan ng 20th IB, at idineklara nang “malinis” sa “impluwensya” ng rebolusyonaryong kilusan. Matagumpay na nailunsad ang mga aksyong militar na may suporta ng masa at nang hindi natitiktikan o namamalayan ng 20th IB.

Noong Abril 27 bandang alas-9 ng gabi, pinarusahan ng BHB-Northern Samar ang aktibong aset ng militar at masamang elemento na si Nong Menggote. Si Menggote ang nagturo sa death squad ng 20th IB sa lokasyon ni Joni Albario, isang magsasakang pinatay noong Oktubre 2022. Bukod sa pagiging aset, matagal nang kinamumuhian ng kanyang mga kababaryo si Menggote dahil sa paulit-ulit niyang pagnanakaw at paglabag sa mga patakaran ng demokratikong gubyernong bayan.

Noong Abril 5, pinarusahan ang isa pang aktibong aset na si Danny Eluterio, bandang alas-4 ng hapon. Sangkot rin siya sa pagpatay kay Albario. Katuwang siya ng mga sundalo sa panggigipit at pambabanta sa mga residente ng barangay. Tulad ni Menggote, paulit-ulit rin niyang nilabag ang mga patakaran ng gubyernong bayan.

Noong Abril 1, pinarusahan naman si Miguel Alaras bandang alas-8 ng gabi, dating myembro ng paramilitar na Sigma at kasabwat ng mga sundalong nakakampo sa baryo. Despotikong panginoong maylupa ang pamilya ni Alaras na mang-aagaw ng lupa ng mga magsasaka, labag sa mga patakaran sa lupa ng rebolusyonaryong kilusan.

Ilang ulit nang pinaliwanagan at binalaan ng rebolusyonaryong kilusan sina Menggote, Eluterio at Alaras ngunit nagpatuloy pa rin sila sa kanilang mga kontra-rebolusyonaryo at kriminal na mga gawain. Imbes na magbago, aktibo silang nakipagtulungan sa pasistang militar upang sindakin at pasunurin ang kanilang mga kababaryo. Ang mga aksyon laban sa kanila ay pagbibigay ng rebolusyonaryong hustisya sa kanilang mga biktima at pagpapatupad ng pampulitikang kapangyarihan ng rebolusyonaryong gubyerno.

“Patuloy na isusulong ng BHB-Northern Samar ang rebolusyonaryong hustisya sa ngalan ng masang api laban sa pasismo ng estado,” pahayag ng BHB.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!