Ang Bayan » Mga rider ng Grab, nagprotesta


Daan-daang rider o mga tagadeliber ng kumpanyang Grab ang nagprotesta sa Quezon City noong Oktubre 25 para batikusin ang hindi makatarungang pagkakaltas ng ₱10 na kita nila kada deliberi. Dahil sa kaltas, ang dating ₱45 na minimum na kita nila kada deliberi ay magiging ₱35 na lamang. Kinundena rin ng grupo, sa pangunguna ng National Union of Food Delivery Riders (Riders), ang pagtanggal ng Grab sa siyam na drayber na lumahok sa naunang asembleya noong Oktubre 19.

Ayon sa grupo, malaki itong kabawasan sa kita ng libu-libong rider ng Grab sa Metro Manila at mga kalapit na lugar. Hindi imposibleng ipatupad din ang katulad na patakaran ng Grab sa iba pang bahagi ng bansa, hindi lamang sa Metro Manila, anila.

Kaugnay nito, nakiisa din sa sama-samang pagkilos ang mga rider ng Grab sa Pampanga, Iloilo, Dumaguete, Cebu, at Laguna.

“Sa kabila ng ating pagkilos, imbis na makinig ang Grab, itinuloy pa nito ang ibinabang fare. Patunay lamang ito sa pinakaugat na problema ng maraming riders sa Grab—ang kawalan ng respeto ng Grab sa kanyang “partner” kuno na mga delivery rider,” ayon sa grupo.

Liban dito, ipinapanawagan ng grupo ang pagbibigay ng kumprehensibong insurance, mga benepisyo tulad ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG, kopya ng kontrata, at iba pa. Iginigiit din nila sa Grab na kilalanin ang kanilang unyon bilang kinatawan ng mga drayber at harapin sila para sa representasyon at negosasyon.

Samantala, humarap naman sa midya ang mga rider ng Foodpanda sa Pampanga kahapon, Oktubre 28. Inihayag nila ang kanilang mga hinaing at panawagan sa kumpanya na bigyan sila ng mas mataas na bayad, mga benepisyo at karagdagang mga proteksyon. Inianunsyo ng grupo ang plano nitong tigil-pasada sa Pampanga mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!