Binisita ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP)-Leyte ang nakakulong na si Frenchie Mae Cumpio, mamamahayag ng alternatibong midya na Eastern Vista, noong Disyembre 27 sa Tacloban City Jail Female Dormitory. Bukod sa suportang moral at panawagang palayain si Cumpio, naghatid din ng pamasko o suportang materyal ang NUJP-Leyte sa kanya.
Liban kay Cumpio, naghatid din ng suporta ang NUJP-Leyte kay Marielle Domequil, myembro ng Rural Missionaries of the Philippines at Alexander Abinguna ng Katungod Sinirangan Bisayas, pawang mga nakakulong sa Tacloban City Jail. Ang tatlo ay kabilang sa tinaguriang Tacloban 5 na inaresto noong Pebrero 7, 2020. Tulad ng ibang aktibista, sinampahan din sila ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms.
Noong Hulyo 2021, sinampahan ng estado ng dagdag na kasong “financing terrorism” sina Cumpio at Domequil. Pinalalabas ng estado na ang pondong nasamsam mula sa kanila ay para umano sa mga operasyon ng Bagong Hukbong Bayan na pilit nitong binabansagan bilang “teroristang organisasyon.”
Ayon sa NUJP-Leyte, ang suportang inihatid nila sa tatlo ay mula sa pagtutulungan ng ilang mga mamahayag na kasapi nila. Muling iginiit ng NUJP-Leyte ang pagbabasura sa kasong nakasampa sa tatlo at kagyat na pagpapapalaya sa kanila.