Ang Bayan Ngayon » ₱35 dagdag-sahod sa Metro Manila, malaking insulto sa mga manggagawa

July 1, 2024


Kinundena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang kakarampot na ₱35 dagdag-sahod na pinagtibay ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa National Capital Region (NCR) ngayong araw, Hulyo 1. Sisimulang ipatupad ang dagdag-sahod, na mas mababa pa sa barya nang ₱40 dagdag noong nakaraang taon, pagkatapos nang 15 araw.

“Sa pangalawang taong anibersaryo ni Marcos Jr sa pwesto, ang regalo niya sa mga manggagawa ay isang malaking insulto,” ayon kay Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU. Dagdag pa niya, walang-silbi at palamuti lamang ang ipinatawag ng rehimen na “wage review” at konsultasyon sa mga manggagawa at pagkatapos ay bibigyan sila ng naka-iinsultong dagdag-sahod.

“Ni hindi pa sapat para sa isang kilong bigas!” ayon pa kay Adonis. Sa merkado, naglalaro sa ₱51-₱64 kada kilo ang presyo ng bigas, habang tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng gulay, karne, itlog at iba pang batayang mga bilihin. Samantala, nakatakdang magtaas nang ₱2.31 kada kilowatt hour ang singil sa kuryente ng Manila Electric Co. (Meralco) mula Hulyo hanggang Setyembre.

Binatikos din ng KMU ang paggamit ng rehimeng Marcos sa mga regional wage board para baratin ang dagdag-sahod sa halip na ipatupad ito sa pambansang antas sa bisa ng pagsasabatas ng pambansang dagdag-sahod. Ang pagtatakda ng sahod kada rehiyon ay ipinatutupad sa pagsabatas ng Wage Rationalization Act (Republic Act No. 6727) noong 1989.

“₱35 pesos na dagdag-sahod, 35 taong kapalpakan ng regional wage boards. Walang mabuting nadulot sa mga manggagawa ang Wage Rationalization Act na nag-anak ng regional wage boards,” ayon kay Adonis. Hindi umano nakikinig sa daing at panawagan ng mga manggagawa ang mga kapulungan na ito at pawang interes ng mga employer ang pinapanigan. “Walang ibang nararapat gawin kundi buwagin!” aniya.

Simula kalagitnaan ng Hulyo, tatanggap ang manggagawa sa Metro Manila ng ₱645 arawang sahod. Samantala, ₱608 naman ang minimum para sa mga manggagawa sa agrikultura, serbisyo o pagtitingi na mayroong 15 o mas kaunti pang mga mangggagawa, at pagmamanupaktura na may mababa pa sa 10 na regular na mga manggagawa.

Ang iginigiit ng KMU ay nakabubuhay na sahod pero ang ibinigay ng rehimen sa mga manggagawa ay masahol pa sa barya. “Akala ata ni Marcos Jr ay maloloko niya tayo sa kanyang pagpapapogi at pagpapabango. Sa aming mga manggagawa, malinaw ang kanyang nagiging legasiya–barat, pabaya, sinungaling, pasista!” pagdidiin ni Adonis.

Hinikayat ng sentrong militanteng unyonismo ang mga kapwa manggagawa na batikusin at kundenahin ang rehimeng Marcos sa lantarang kawalang respeto sa kahingian ng mga manggagawa. Dapat umanong palakasin ng sektor ang kanilang pakikibaka para sa pagtutulak ng pambansang minimum na sahod na nakabatay sa nakabubuhay na arawang gastos ng isang pamilya.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

PRWC » Emerge stronger and more daring in confronting the oppressive and exploitative Marcos II regime

As an organization deeply committed to serving the people, Kabataang

St. Petersburg International Economic Forum Opens in Russia | News

The 26th St. Petersburg International Economic Forum (SPIEF) kicked off