Ang Bayan Ngayon » 2 magsasaka, pinaslang ng 62nd IB sa modus na pekeng engkwentro


Dinampot at tinortyur, bago pinaslang ng mga sundalo ng 62nd IB ang dalawang magsasaka sa Barangay Sag-ang, La Castellana, Negros Occidental noong Enero 17 ng umaga. Para pagtakpan ang kanilang karumal-dumal na krimen, pinalalabas ng mga sundalo na napatay sina Boy Baloy, 60 anyos, at Bernard Torres, 50, sa modus nito na pekeng engkwentro.

Sa impormasyon ng mga saksi, sina Baloy at Torres ay dinampot sa kanilang tinutuluyang bahay ng alas-6:45 ng umaga, inilayo sa komunidad, ipinailalim sa matinding interogasyon, binugbog at tinortyur, bago binaril ng mga berdugo. Si Baloy ay kasapi ng Kaisahan sa Gamay’ng Mag-uuma sa Oriental Negros (KAUGMAON-Guihulngan Chapter), habang si Torres ay isang drayber ng habal-habal at kasapi ng Undoc-Piston-Guihulngan Chapter.

Mula pa 2017, paulit-ulit nang nakararanas ng panggigipit at panghaharas ang dalawa mula sa mga pwersa at ahente ng estado. Nakaligtas si Torres at kanyang pamilya sa madugong Oplan Sauron na inilunsad ng rehimeng US-Duterte laban sa mamamayang Negrosanon noong Disyembre 2018.

Naglinaw rin si Ka JB Regalado, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central, na hindi mga kasapi ng hukbong bayan ang dalawa. “Hindi armado ang mga biktima at pinalalabas lamang na nakumpiskahan ng dalawang shotgun, kalibre .45 pistola at iba pang sinasabing subersibong dokumento. “Walang engkwentro,” giit niya.

“Ang ganitong kasinungalingan ng 62nd IB laban sa mga inosenteng sibilyan ay hindi na bago, bagkus isang pasistang tatak ng reaksyunaryo at mersenaryong Armed Forces of the Philippines (AFP),” pahayag ni Ka JB.

Binatikos din ng panrehiyong kumand ng BHB sa Negros Island ang modus na pekeng engkwentro ng 62nd IB. Isiniwalat din ni Ka Maoche Legislador, tagapagsalita ng BHB-Negros Island, na mayroong isa pang pinalabas na pekeng engkwentro sa Barangay Cambayobo, Calatrava, Negros Occidental noong Enero 15.

“Ang sinasabing nareyd na kampo ng 79th IB ay drama lamang at ang sinasabing engkwentro ay gamit na gamit nang iskrip ng AFP,” ayon pa kay Ka Maoche.

Aniya, nagsasagawa ng “fake news spree” ang 3rd ID at ang lahat ng anim na batalyon sa ilalim nito sa isla ng Negros. Hinahabol nito ang hibang na pahayag na “nabuwag” na ang mga yunit ng hukbong bayan sa isla, pinababagsik nito ang kanilang kampanyang kontra-insurhensya na nagsasapahamak at tumatarget sa mga sibilyan at lumalabag sa kanilang karapatang-tao.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!