Sa paunang ulat ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command), anim na sundalo ng 76th IB ang napaslang sa dalawang labanan na naganap kahapon, Nobyembre 5, sa Barangay Villa Pag-asa, Bansud, Oriental Mindoro. Aktibong nakapagtanggol ang mga Pulang mandirigma laban sa nag-ooperasyong mga sundalo.
Kasunod ng kanilang pagkatalo, inianunsyo ng 76th IB na nagsasagawa ito ng operasyong pagtugis laban sa nakasagupang yunit ng BHB-Mindoro. Para pagmukhaing nasa bentaheng pusisyon, palabas pa itong nanawagan sa hukbong bayan na sumuko na at handa silang tumulong sa mga Pulang mandirigma.
Kasalukuyang ipinailalim sa militarisasyon ang barangay na pinangyarihan ng engkwentro at katabing mga komunidad sa tabing ng “stress debriefing” ng 76th IB at 1st Civi-Military Operations Company. Labis na takot ang idinudulot nito sa mga residente at mamamayan ng Bansud dahil bantog ang 76th IB sa mga krimen at paglabag sa karapatang-tao.
Sangkot ang berdugong yunit sa pagpaslang sa kapitan ng Barangay Ligaya, Sablayan, Occidental Mindoro na si Dante Yumanaw noong Hulyo 15, 2022. Imbwelto rin ito sa pagdakip at sadyang pagpaslang sa mga Pulang mandirigma na sina Jethro Isaac Ferrer (Ka Pascual) at Peter Rivera (Ka Rochie) noong Nobyembre 13, 2023 sa Barangay Buong Lupa, Gloria, Oriental Mindoro.