Kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Ilocos ang panibagong serye ng war games na binansagang “TUW” 01-24 na inilulunsad ng 4th Marine Brigade (4th MBde) sa Northern Luzon mula Agosto 27 hanggang Setyembre 4. Binatikos nila ang ehersisyong militar dahil sa labis na pinsala sa araw-araw na buhay at kabuhayan ng mga taga-Ilocos at katabing mga prubinsya hanggang Cagayan dahil sa pagtatambak ng maraming pwersang militar at pulis, at pagkagambala at ingay na nalilikha ng mga pagpapasabog.
Isinagawa sa naturang war games ang mga maniobrang pangkombat, sabayang pagkilos at mga aksyon, malapitang mga rekorida sa target, at pagpapasabog ng kanyon at mga suportang operasyon. Ayon sa 4th MBde, bahagi ito ng pagtupad ng kanilang mandato ng “pagtatanggol ng teritoryo.”
Noong Agosto 26, iniulat ng mga komunidad sa bayan ng Badoc at Pinili sa Ilocos Norte ang pagdagsa ng mga pwersa ng pulis at 4th MBde. Ayon sa mga residente, nagdala ang mga ito ng materyal at gamit pangkonstruksyon para sa itinayo nilang kampo. Kasabay nitong ipinasok ang mga kanyon at iba pang armas militar.
Sa La Union, isinagawa ang pagsasanay-militar sa lugar na saklaw ng Poro Point Freeport Zone at sa Barangay Sibuan-Otong sa San Fernando City noong Agosto 31.
“Nakikiisa ang Bayan-Ilocos sa mamamayan ng Ilocos sa panawagang wakasan ang militarisasyon at pagsasanay militar sa mga prubinsya ng Ilocos Norte at La Union. Ang mga aktibidad na ito ay nagdudulot ng kapahamakan at banta sa kabuhayan at seguridad ng mga sibilyang komunidad,” pahayag ng grupo.
Pagdidiin nito, ang mga aktibidad na ito ng pinaigting na presensyang militar ng Armed Forces of the Philippines at Marines sa estratehikong mga lugar sa Ilocos ay tulak ng US at bahagi ng inuupat nitong gera laban sa China.
Noong Abril hanggang Mayo, inilunsad sa ilang bahagi ng rehiyon ang war games sa ilalim ng pinakamalaking Balikatan kung saan lumahok ang 16,000 tropang Amerikano. Mula Abril, ipinwesto ng US ang Mid-Range Capability (MRC) missile system sa Ilocos Norte na binatikos ng Russia at China na nagturing dito bilang banta sa kanilang seguridad. Dulot nito, sinabi ng US na iaatras ang naturang armas ngayong Setyembre.
“Dapat batikusin si Marcos Jr sa kanyang nagpapatuloy na pangangayupapa sa US, na nagpahintulot na gawing base militar ng pwersa ng US ang Pilipinas habang ginagamit ang AFP para paputukin ang isang proxy war laban sa China,” ayon sa Bayan-Ilocos. Panawagan nito, palayasin ang base at tropang Kano sa bansa para sa kapakanan ng mga Ilocano at Pilipino.