Inanunsyo ng Koalisyong Makabayan-National Capital Region (NCR) ang anim na mga kanididato nito sa pagkakonsehal sa iba’t ibang mga bayan sa pambansang kabisera. Ipinakilala nila ito sa panrehiyong asembliya ng koalisyon noong Setyembre 30 sa Barangay 682, Sta. Mesa, Manila.
Ayon sa Makabayan-NCR, pagkakataon ito para itampok ang mga isyung pambayan at mga demokratikong sektor sa rehiyon. “Mula Senado hanggang konseho, taumbayan ipanalo!” ang panawagan ng grupo. Sa pambansa, magpapatakbo ang koalisyon ng 11 kandidato pagkasenador at apat na party-list.
“Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, iniinda ng mga manggagawa, laluna ng mga nasa sektor ng transportasyon at paggawa, ang mapagsamantalang mga patakaran at lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko,” pahayag ng grupo noong Setyembre 13 sa naunang pulong pambalitaan nito.
Anito, ipaglalaban ng kanilang mga kandidato ang mga repormang kapaki-pakinabang sa mga manggagawa at kabataan. “Dadalhin nila ang platapormang nakasentro sa mga karapatan sa paggawa, reporma sa pampublikong transportasyon, at sa pagbibigay ng kapangyarihan sa mga mahihirap na komunidad.”
Patatakbuhin nito bilang konsehal sa District 1 Caloocan si Ricardo “Rex” Margallo, Bayan Muna Caloocan koordineytor; si Rene Mira, isang manininda at presidente ng Samahan ng Vendors sa Fortune, sa District 2 Marikina; si Leticia Castillo sa District 2 Valenzuela; si Myrna “Ate Myrns” Dela Concepcion sa District 1 Muntinlupa, ikalawang pangulo ng Gabriela Muntinlupa; si Eleazar Anaya ng Kabataan Partylist Muntinlupa sa District 1 Muntinlupa; at Girlie “Jing” Delos Santos, presidente ng Nagkakaisang Residente ng Maysapang, sa District 1 Taguig.
“Ipakita ang lakas ng mamayang Pilipino sa darating na halalan 2025. Ang pagpapamalas ng tapang at paninindigan ng taumbayan ang siyang magpapasya ng pagkamit ng panlipunang pagbabago!” anang koalisyon.
Inihalal rin sa asembliya ang bagong mga upisyal ng komiteng pamunuan ng Makabayan-NCR.