Ang Bayan Ngayon » Araw ng pagkilos kontra sa mandatory ROTC, inilunsad ng mga kabataan


Muling nagprotesta ang mga grupo ng kabataan kahapon, Nobyembre 4, sa isang “Araw ng Pagkilos” laban sa panukala ng rehimeng Marcos na Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC). Nagkaroon ng mga protesta sa tapat ng Senado sa Pasay City, sa Taft Avenue, Morayta, España at Sta. Mesa sa Maynila at sa Quezon City.

Ang pagkilos ay itinaon ng mga grupo ng kabataan at No To Mandatory ROTC Network sa pagbubukas ng sesyon ng Senado na nagpaplanong iratsada ang pagpapasa ng naturang panukala. Noong Setyembre, idineklara ni Ferdinand Marcos Jr bilang “priority bill” ang Senate Bill No. 2034 na magtutulak sa mandatory ROTC.

Nanawagan ang mga grupo ng kabataan sa senado na huwag ipasa ang panukala at tuluyan na itong ibasura. Anila, sa halip na maglaan ng pondo para sa MROTC, dagdagan na lamang ang pondo para sa pampublikong edukasyon sa bansa.

Muli ring naglabas ng petisyon ang No To Mandatory ROTC Network laban sa panukala. Inilatag nila dito ang limang puntong dahilan ng kanilang paglaban sa programa. Ayon sa network, 1) dagdag gastos lamang ang mandatory ROTC, 2) nagpapalaganap ito ng kultura ng karahasan, 3) magbibigay daan ito sa militarisasyon sa mga kampus, 4) gagamitin sa paghahanda sa gera, at 5) tinatanggal nito ang karapatang mamili sa halip na magserbisyo sa komunidad at sibil.

Lumahok sa mga pagkilos ang mga estudyante mula sa Ateneo de Manila University, De La Salle University, University of Sto. Tomas, Far Eastern University, Pamantasan ng Lunsod ng Maynila, Technological University of the Philippines, Polytechnic University of the Philippines at iba pang pribado at pampublikong unibersidad.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!