Inilunsad ngayong araw, Agosto 24, ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, sa pangunguna ng Karapatan-Southern Tagalog at Free Owen & Ella Network ang isang humanitarian mission para hanapin at tiyakin ang kalagayan ni Rowena Dasig (Owen), nawawalang tagapagtanggol ng kalikasan at dating pangakalahatang kalihim ng Anakbayan-Southern Tagalog. Si Dasig ay isang bilanggong pulitikal na iniulat na “nakalaya” noong Agosto 22 matapos maibasura ang mga kaso laban sa kanya.
Nagpunta ang mga delegado ng misyon sa BJMP Lucena City District Jail (LCDJ) para mangalap ng impormasyon at mag-alam sa tunay na kalagayan ni Dasig. “Sa kabila ng pagsusumikap ng humanitarian team, hindi hinarap ng mga tauhan ng LCDJ ang mga paralegal sa dahilang hindi bukas ang kanilang upisina ngayong araw para umiwas makipagtulungan,” pahayag ng Karapatan-Southern Tagalog.
Anang grupo, mahigit 48 na oras na ang lumilipas simula noong mapag-alaman ng mga paralegal ni Dasig na nakalaya na siya sa kulungan. Nababahala ang misyon at mga kaanak ni Dasig dahil kwestyunable ang sirkumstansya ng “paglaya” ni Dasig mula sa kulungan.
Pahayag ng La Viña, Zarate & Associates, tumatayong abugado ng mga biktima, kahit nakumpleto na ang mga papeles ng pagpapalaya kay Dasig noong Agosto 21 ay hindi makatarungan at labag sa batas na pinigilan ng warden ng kulungan na palayain siya sa araw na iyon. “Noong Agosto 22, nang bumalik ang mga paralegal sa LCDJ ay sinabihan sila na pinalaya na si Dasig,” ayon pa sa mga abugado.
Ibinasura ng korte sa Gumaca, Quezon noong Agosto 13 ang kasong Illegal Possession of Firearms, Ammunitions, and Explosives laban kay Dasig at kasama niyang si Miguela Peniero na hinuli noong Hulyo 12, 2023. Ang dalawa ay inaresto sa Purok Banaba, Barangay Caridad Ibaba sa bayan ng Atimonan.
Nasa komunidad sila noon para imbestigahan ang epekto ng pinaplanong itayo na cycle gas turbine power project at liquefied natural gas terminal plant sa naturang lugar. Ang proyekto na itatayo ng Atimonan One Energy, Inc. (A1E), subsidyaryo ng Meralco PowerGen Corp, ay pinangangambahang magkakaroon ng matinding epekto sa mga magkokopra at mangingisda sa bayan ng Atimonan.
Ayon sa LCDJ, nakalaya si Dasig nang alalayan ng kanyang mga kaanak. “Hindi inabisuhan ang mga legal counsels, pati ang kanyang paralegal team, na buong maghapon nag-asikaso ng at naghintay sa paglaya ni [Dasig] noong araw na iyon,” pahayag naman ng Karapatan-Southern Tagalog.
Pinabulaanan din ng pamilya ni Dasig ang binabanggit ng LCDJ at sinabing wala ring silang natatanggap na balita hinggil sa kanyang paglaya. “Sa halip na ipinagdiriwang sana ngayon ng mga kamag-anak at kaibigan ni [Dasig] ang kanyang paglaya, lubos na pag-aalala at dismaya ang nararamdaman nila gayong hindi pa rin siya matagpuan dahil sa patuloy na pagsasabotahe ng LCDJ at pagtanggi nito makipagkoordina ng maayos,” anang grupo.
Nananatiling nakapiit si Peniero dahil sa iba pang mga kaso na isinampa sa kanya ng mga pwersa ng estado sa iba-ibang korte.