Matapos ang halos isang dekadang walang awat na militarisasyon na sumupil sa mamamayang Lumad at nagpalayas sa kanila sa kanilang mga komunidad, bukas na bukas na ang Andap Valley Complex sa pandarambong at pangwawasak ng dayuhan at lokal na mga kumpanya sa pagmimina.
Isa sa pinakahuling nagsumite ng aplikasyon sa pagmimina ang Bengeut Corporation ng pamilya ni House Speaker Martin Romualdez. Balak ng kumpanya na magmina ng karbon sa San Miguel, Marihatag at Tago. Humihingi ito ng lisensya para saklawin ang 12 “coal block” sa lugar. Sa Pilipinas, ang isang “coal block” ay katumbas ng humigit-kumulang 1,000 ektarya.
Ang Benguet Corp. ay pag-aari ng pamilyang Romualdez (42.77%), RYM Business Management Corporation (16%) na pagmamay-ari rin ng mga Romualdez, at mas maliliit na shareholders tulad nina Luis Virata, Pamela Gendrano at Rothschild Investment LLC. Kontrolado ng pamilya ang kumpanya mula pa sa panahon ng dikatadurang Marcos Sr. Kabilang ito sa maraming kumpanya na nilayong bawiin ng gubyerno ng Pilipinas matapos bumagsak ang diktadura.
Noon pang 2015 pinangalanan ang Benguet Corporation bilang isa sa mga kumpanyang may interes sa Andap Valley, at sa gayon isa sa makikinabang, kundiman nagtulak, sa brutal na militarisasyon sa lugar. Ang iba pang kumpanya ay ang Abacus Coal Exploration and Development Corp, at ang kasosyo nitong Oriental Vision Mining Philippines (ORVI) Corp ng pamilyang Zamora. Saklaw ng aplikasyon ng ORVI at Abacus ang 5,000-ektaryang kagubatan. Ang iba pang kumpanya ay ang Great Wall Mining and Power Corp na isang kumpanyang Chinese; ASK Mining and Exploration Corp na noon pang 2009 ginawaran ng permit para sa eksplorasyon; at ang CoalBlack Mining Corp.
Matatagpuan sa Andap Valley Complex ang isa sa pinakamalaking reserbang karbon sa buong mundo. Saklaw nito ang magkanugnog na bayan ng San Miguel, San Agustin, Marihatag, Cagwait, Tago at Lianga.
Sa loob ng mahabang panahon, napigilan ang pandarambong ng mga kumpanyang ito sa Andap Valley dulot ng pagtanggi ng mga Lumad na ibigay ang kanilang Free and Prior Informed Consent (FPIC). Kaya mula 2015, ipinailalim ang San Miguel, San Agustin, Marihatag, Cagwait, Tago at Lianga sa brutal na paghaharing militar para supilin ang paglaban ng mga Manobo at Mamanwa, at pwersahin silang bitawan ang kanilang karapatan sa kanilang lupang ninuno.
Kabilang sa mga krimen ng militar ang mga masaker sa Lianga noong 2015 at 2021. Biktima ng unang masaker sina Emerito Samarca, executive director ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev); Dionel Campos, pinuno ng lokal na organisasyon ng mga magsasaka na Mapasu; at myembro nitong si Datu Juvello Sinzo. Dahil sa masaker, napilitan noon na magbakwit ang 3,000 Lumad. Dalawang magsasakang Lumad at isang 12-taong gulang na estudyante ang biktima ng pangalawang masaker.
Ilan pang mga maramihang pagbakwit ang naganap sa sumunod na mga taon dahil sa walang awat na pamamaslang at militarisasyon. Sa utos noon ng rehimeng Duterte, tinarget ng militar ang mga paaralang Lumad na pinatatakbo ng mga lokal na komunidad. Kalaunan, napilitang magsara ang mga eskwelahang ito sa Andap Valley, na hindi pa muling nabubuksan hanggang ngayon.
Hindi lamang wawasakin ng pagmimina ang kabundukan, mga ilog at lupa ng Andap Valley, magdudulot rin ng nakamamatay na epekto ang karbon na miminahin dito. Itinuturing na pinakamaruming mapagkukunan ng enerhiya ang karbon at pangunahing kontribyutor ng greenhouse gas na nagpapainit sa planeta.