Labis na gutom at perwisyo ang idinudulot ng ilang linggo nang blokeyo sa pagkain ng 80th IB at 70th IB sa Barangay Umiray, General Nakar, Quezon. Hinaharang ng mga sundalo ang mga sako ng bigas at iba pang pagkain para sa mga tindahan sa mga nasabing sityo dahil sa walang-batayang paratang na ang mga iyon ay para sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Saklaw ng blokeyo ang liblib na mga sityo ng Bituan, Lucban, Malining at Landing. Dahil sa tag-ulan, hindi pa makatuyo ng inaning palay ang mga magsasaka sa mga lugar na ito at sa gayon ay hindi pa ito mapakinabangan.
Pana-panahong nagpapahintulot ang mga sundalo sa mga residente na makabili ng bigas. Gayunman, bantay-sarado sila sa mga binibili ng mga ito. Minamanmanan din ng mga sundalo kung sinu-sino ang bumibili sa mga tindahan sa Bituan. Sapilitan nilang pinatatala ang binibiling bigas ng mga residente, na nakalimita sa dalawang salop (tinatayang apat na kilo) kada pamilya para sa isang linggong konsumo. Isinasailalim sa matinding interogasyon ang sinumang bumibili nang lagpas dito.
Reklamo ng mga residente na kulang na kulang ang apat na kilo kada linggo para sa maghapong nagtatrabaho at may pinapakaing mga anak. Wala silang mapaghihiraman ng bigas dahil pare-pareho ang kalagayan nilang magkakapitbahay. Ang mga may tindahan sa nabanggit na mga sityo ay nasa bingit ng pagkalugi, at ang iba pa nga ay napipilitan nang magsara dahil wala nang maitinda.
Hindi ito ang unang pagkakataong nagsagawa ng matagalang blokeyo sa pagkain ang mga sundalo sa Barangay Umiray. Ginawa din ito noong Marso-Abril 2024, Abril 2022, at Abril-Mayo 2021.
Sa harap nito, nananawagan ang mga residente ng barangay na itigil na ang blokeyo ng pagkain sa kanilang lugar. Iginigiit rin nila sa lokal na gubyerno na tugunan ang kanilang pangangailangan sa pagkain at itaboy ang pesteng militar sa komunidad. Ang Barangay Umiray ay mayroong halos 6,000 residente.