Kinukwestyon ng mga residente ng Barangay Ned, Lake Sebu, South Cotabato at Barangay Tuanadatu, Maitum sa Sarangani kung paano nabigyan ng awtoridad ang Daguma Agro Minerals Inc (DAMI) at Bonanza Energy Resources Inc (BERI) na magmina ng karbon gayong.
Ayon sa mga residente, hindi saklaw ang lugar na kasalukuyang minimina sa Coal Operating Contract na iginawad ng Department of Energy noon pang 2002 at sa gayon ay hindi naaayon sa batas ang operasyon nito. Dagdag nila, wala itong Environmental Compliance Certificate (ECC) at Free and Prior Informed Consent (FPIC) na kapwa rekisito sa batas para magpatakbo ng mina sa isang lugar.
Ang dalawang kumpanyang ito ay mga subsidyaryo ng San Miguel Corporation (SMC). Kasama ang Sultan Energy Philippines Corporation, minimina ng mga ito ang 17,000-ektaryang kalupaan sa Barangay Ned. Lignite o brown coal ang minimina nito sa lugar, na tinaguriang pinakamababang uri ng karbon dahil mataas ang inilalabas nitong carbon dioxide kapag ginamit sa mga planta bunga ng mataas na moisture content (laman na tubig) at mababang energy density (makukuhang enerhiya) nito. Sa pangkalahatan, pinakamarumi nang pinagkukunan ng enerhiya ang karbon.
Ang pagmimina mismo ay magdudulot ng polusyon, kontaminasyon ng tubig at pagkasira ng mga daluyan nito. Isa sa pinangangambahang makontamina ng mina ang mga ilog ng Kabulnan at Allah na dumadaloy patungong Liguasan Marsh na isang mahalagang pinagkukunan ng isda. Ang Allah River, sa kabilang banda, pangunahing pinagmumulan ng irigasyon ng malawak na lupaing pang-agrikultura sa South Cotabato at Sultan Kudarat.
Sinasabi ng SMC na gumagamit ito ng metodong “side-stripping” sa pagkuha nito ng karbon. Pero ayon sa mga eksperto, walang kaiba ang metodong ito sa mapangwasak at delikadong open-pit mining na ipinagbabawal ng lokal na gubyerno ng South Cotabato. Ilang panahon pa lamang ang operasyon ng mina, nakapag-ulat na ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng prubinsya ng mga sinkhole at pagguho ng lupa sa mga sityo ng Barangay Ned. Sa ulat kahit ng MGB noong 2019, ang pagmimina ng karbon sa buhaghag na lupa tulad sa Ned ay magreresulta sa mga landslide at dapat itong “paghandaan.”
Sa mga larawang ipinaskil ng mga residente sa social media, makikita ang malalaking hukay na ginawa ng kumpanya sa malaking bahagi ng kabundukan ng Ned. Araw-araw, anila, bumibyahe ang malalaking trak mula rito, nagdadala ng karbon sa daungan ng kumpanya sa Barangay Kalaong sa Maitum. Ang mga trak na ito ay “inuupahan” ng SMC mula sa mga lokal na pulitiko, na nananahimik sa matitinding epekto ng pagmimina sa kanilang komunidad, at kahit sa mga daan ng barangay na hindi kinakaya ang bigat ng naturang mga trak.
Sa matagal na panahon, napigilan ang operasyon ng mga kumpanyang ito dahil sa matinding pagtutol ng mamamayan sa Barangay Ned. Militarisasyon ang itinugon ng estado sa laganap na pagtutol na humantong sa pagmasaker ng walong Lumad noong Disyembre 3, 2017. Kabilang sa pinatay ng mga sundalo ang lider ng Tboli-Dulangan Manobo na si Datu Victor Danyan, ang dalawa niyang anak na sina Victor Jr. at Artemio at sina Pato Celardo, Samuel Angkoy, To Diamante, Bobot Lagase, at Mateng Bantel. Hanggang ngayon, hustisya pa rin ang sigaw ng kanilang mga kamag-anak.
Para sa karagdagang detalye, basahin ang “Pagmiminang karbon ng San Miguel Corporation, tinututulan sa South Cotabato,” (Ang Bayan, November 07, 2022).