Nagsagawa ng asembleya ang grupong Kontra Daya sa Intramuros, Manila noong Setyembre 30 para ikampanya ang isang malinis, mapayapa at demokratikong eleksyon sa darating na eleksyong 2025. Itataguyod ito ng grupo sa harap ng umiiral na marumi, marahas at kontrolado ng iilan na sistema ng eleksyon at pandaraya sa de-makinang pagboto.
Ayon sa manipesto ng grupo, “kinikilala [ng Kontra Daya] ang tungkulin [nitong] ilantad at hamunin ang kasalukuyang korap na sistema ng eleksyon.” Pagdidiin nila, pinepeste ng korapsyon, karahasan at panloloko ang eleksyon ng bansa na dahilan ng pagkawala ng tiwala ng mamamayan dito.
Naniniwala ang grupo na isang batayang karapatang-tao ang pagboto at dapat pinakikinggan ang kanilang boses sa demokratikong prosesong ito. “Naniniwala kami na ang eleksyon ay dapat malaya sa korapsyon, manipulasyon, at pamimilit, at dapat ang bawat boto ay tiyak at tamang binibilang,” saad ng manipesto.
Ayon sa Kontra Daya, ang kolektibong pagkilos natin bilang mga Pilipino ay makapagbubunga ng makabuluhang pagbabago. Kaugnay nito, itinutulak ng Kontra Daya ang pagbuwag sa kasalukuyang automated election system at nananawagan para sa isang hybrid na sistema ng eleksyon para mabantayan ang boto.
Sa asembleya, binigyang pagkilala ng Kontra Daya ang tagapagtatag nito na si Fr. Joe Dizon. Si Fr. Dizon ay binansagang “pari ng sambayanan” dahil sa kaniyang dedikasyon at pagtataguyod sa hustisyang panlipunan katulad ng Kontra Daya.
Nagbahagi rin si Comelec Commissioner Nelson Celis sa pagtitipon ng paghahanda ng ahensya sa darating na eleksyong midterm. Tinalakay rin nila ang mga alituntunin ng Comelec sa social media laban sa disimpormasyon.
Matapos ang asembleya, nagmartsa ang grupo sa upisina ng Commission on Elections sa Intramuros. Dala ng grupo ang kanilang manipesto na pinirmahan ng iba’t ibang mga organisasyon.
“Nananawagan kami na suportahan ang mga organisasyon at inisyatiba na kumikilos para reporma sa eleksyon, makiisa sa amin sa mapayapang mga protesta, rali at kampanya sa adbokasiya para igiit ang mas maayos na sistema ng eleksyon, at para sa pananagutan mula sa mga lider at institusyon natin,” saad ng manipesto.