Iba’t ibang aktibidad ang inilunsad ng mga kaanak ng mga biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang at sapilitang pagkawala ng mga pwersa ng estado noong Nobyembre 2, araw ng mga kaluluwa. Nanawagan sila ng hustisya para sa kanilang mga kapamilya at kasama at nangakong ipagpapatuloy ang kanilang pakikibaka para mapanagot ang gumawa ng mga krimen sa kanila.
Sa pangunguna ng Rise Up for Life and for Rights, muling nagtipon ang mga pamilya ng biktima ng “gera kontra droga” ng rehimeng Duterte sa isang kumbento sa Quezon City. Ito ang ika-walong taon ng pagsasama-sama ng mga pamilya ng mga biktima bilang paggunita sa kanilang mga mahal sa buhay na pinaslang dahil sa pekeng gera sa droga. Isang misa ang pinangunahan ni Fr. Manuel Gatchalian, SVD at mga madre ng ICM.
Ayon sa Rise Up, naging pagkakataon ang pagtitipon upang ipahayag ang pagkakaisa ng mga pamilya at panawagan nila para sa hustisya. Pinasalamatan ng grupo ang mga nakiisa sa kanila mula sa Movement Against Tyranny at suportang ibinigay ng National Council of Churches in the Philippines. Kinilala rin nila ang paglahok sa aktibidad nina Ka Mimi Doringo ng Kadamay, Rep. Arlene Brosas at Emmie de Jesus ng Gabriela Women’s Party.
Isang hiwalay na aktibidad ang inilunsad ng mga kaanak ng desaparesidos sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City. Nagtirik sila ng mga kandila at nag-alay ng mga bulaklak sa harap ng mga larawan ng kanilang mga kaanak na ilang taon nang iwinala ng estado. Labis ang paghihinagpis ng mga kaanak ng mga biktima dahil wala silang puntod na pagtitirikan ng kandila.
Sa ilalim ng rehimeng Marcos, naitala ng Karapatan ang hindi bababa sa 14 na biktima ng sapilitang pagkawala. Simula noong panahon ng diktadurang Marcos I, naisadokumento ng mga grupo sa karapatang-tao ang 1,894 biktima ng karumal-dumal na krimen ng pagdesaparesidos.
Ayon sa grupong Desaparecidos, patunay ang dumaraming bilang ng mga biktima sa nagpapatuloy na mga paglabag sa karapatang-tao at international humanitarian law, at pamamayagpag ng klima ng impunidad sa bansa. “Iginigiit namin ang paglilitaw sa mga biktima ng sapilitang pagkawala,” ayon kay Dr. Edita Burgos, ina ng aktibistang si Jonas Burgos na dinukot noong April 2007.
Sa ibang bahagi ng bansa, inilunsad ng mga grupo sa karapatang-tao at iba pang samahang masa ang pagpaparangal at pagkilala sa mga martir ng kilusang masa at rebolusyong Pilipino. Kabilang dito ang naging pagtitipon ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK) at mga lokal na balangay nito para alalahanin ang mga martir ng sambayanan.
“Mula sa mga organisador, dating pangulo at tagapagsalita ng Kasama-TK at mga pamprobinsyang balangay nito, hanggang sa mga piniling tahakin ang pinakamataas na porma ng pakikibaka, hinding hindi kayo malilimutan ng mga magsasaka, mangingisda, at katutubo na inyong pinaglingkuran. Ang pagkamatay ninyo ay nagpunla lamang ng mas maigting pang paglaban ng masang anakpawis,” ayon sa grupo.