Nagbunga ang matagal nang paggigiit ng mga grupo sa karapatang-tao at tagapagtanggol ng kaliksaan sa Cordillera, sa pangunguna ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA), na paimbestigahan ang maraming beses na aerial bombing ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga prubinsya ng rehiyon. Natulak nito ang Commission on Human Rights (CHR) na magsagawa ng gayong imbestigasyon.
Ayon sa CHRA, itinutulak na nila ito noon pang panahon ng rehimeng Duterte.
“Nagsumite kami ng maraming liham para sa imbestigasyon sa mga ito sa CHR at labis naming tinutuligsa ang dating mga pahayag ng mga kinatawan ng CHR Regional Office sa Cordillera Administrative Region na nagbabasubali sa mga insidente ng pambobomba at nagsantabi sa epekto nito sa mga komunidad,” pahayag ng CHRA noong Agosto 20.
Naitala ng CHRA ang apat na insidente ng aerial bombing sa rehiyon sa ilalim ng rehimeng Marcos. Naganap ang mga ito sa Kalinga, Abra, at ilang bahagi ng Ilocos Sur. Idiniin muli ng CHRA ang isang kaso ng aerial bombing sa ilalim ng rehimeng Duterte sa bayan ng Malibcong, Abra noong Marso 2017 kung saan gumamit ang militar ng white phosphorus. Ang kemikal na ito ay nagdudulot ng labis-labis na pinsala at pagdurusa laluna kung gagamitin sa mataong lugar. Tahasang ipinagbabawal ang paggamit nito sa ilalim ng internasyunal na makataong batas,
“Sinusuportahan at iginigiit namin sa CHR na magsagawa ng independyente, kagyat, at bukas na imbestigasyon sa mga insidenteng ito at ilathala ang mga natuklasan sa apektadong mga komunidad at sangkot na mga organisasyon at institusyon,” panawagan ng CHRA.