Pinasinungalingan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Sorsogon (Celso Minguez Command) ang pahayag ng mga pulis at militar na myembro ng hukbong bayan ang inaresto nilang si Edwin Divina Diesta noong Agosto 29. Si Diesta, isang manggagawa sa konstruksyon, ay nahaharap sa kasong tangkang panggagahasa. Inaresto siya sa Barangay San Juan, Bacon District, Sorsogon City ng mga elemento ng Sorsogon Police Station, 92nd Special Action Force Company, 903rd IBde at 31st IB.
Naniniwala si Ka Samuel Guerrero, tagapagsalita ng yunit, na pinalalabas si Diesta na Pulang mandirigma para dungisan ang pangalan ng rebolusyonaryong kilusan. “Ito ay isang desperadong tangka na palabasing nagkakanlong ng rapist ang hukbong bayan,” ayon kay Ka Samuel.
Mayroong mahigpit na patakaran ang rebolusyonaryong kilusan hinggil sa pagrespeto sa karapatan ng kababaihan, at may mga piniling kasarian laban sa diskriminasyon, pang-aabuso, at karahasan, aniya. “Hindi rin kinukunsinte sa Partido at ng NPA ang mga indibidwal na napatunayang may kasong panghahalay.” Dagdag niya, bahagi ito ng taktika ng militar at pulis para palobohin ang mga “tagumpay” nito sa kampanyang kontra-insurhensya.
Nanawagan si Ka Samuel sa mga kagawad ng midya na maging mapagmatyag sa mga ulat na pinalalabas ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police. “Sa panahon ngayon na lumalaganap ang mga misimpormasyon at pekeng balita, inaasahan ng mamamayan na ang hanay ng mga taong-midya ay masasandalan na maghahatid ng katotohan para sa pagkamit nila ng hustisya,” aniya.