Matagumpay na nakapaglunsad ng pag-aaral sa Batayang Kurso ng Partido (BKP) ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Bicol noong Hulyo. Nakapagtapos sa pag-aaral ang isang iskwad ng mga bagong Pulang mandirigma at mga kasaping nagbalik-aral. Isinagawad ang pag-aaral sa istagerd na pamamaraan bilang pag-angkop sa matinding militarisasyon sa erya.
Mahalaga ang BKP sa pagpapatibay ng pang-ideolohiyang pundasyon ng mga kasapi ng Partido at mga bagong Pulang mandirigma ng hukbong bayan, ayon sa mga upisyal ng BHB. Tugon ito sa panawagang kilusang pagwawasto ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) para sa higit na pagpupunyagi sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.
Ayon sa yunit, ang matagumpay na pag-aaral ay patunay na walang operasyong militar ang makawawasak sa rebolusyonaryong paaralan. Dagdag pa nito, sampal sa mukha ng rehimeng Marcos ang aktibidad laluna at idiniklera nito ang planong tapusin ang insurhensya sa rehiyon pagkatapos ng Hunyo.
“Nakakataas ng moral, mas napatibay ang kahandaan sa sakripisyo at kahirapan dahil nasariwa at napalalim ang pag-unawa sa pangangailangan at pagiging makatwiran ng pagrerebolusyon. Makikita rin sa mga kamag-aral na gusto talaga nilang matuto,” pagkukwento ni Ka Speed, isa sa nagbalik-aral ng kurso.
Ibinahagi naman ni Ka Velma ang kanyang karanasan sa unang beses na pagtuturo ng BKP. “Kinabahan ako noong sinabing magtuturo ako. Kinabahan din ako noong nagtuturo na ako pero kinaya pa rin. Marami pa akong dapat paunlarin pero proud ako na naging instruktor ako at proud ako sa mga kasama!” pahayag niya.
Matapos ang pag-aaral, nagsagawa ng programa ang yunit para pormal na sarhan ang kurso. Sama-samang umawit ang mga Pulang mandirigma ng mga rebolusyonaryong kanta at muling nanumpa sa harap ng bandila ng Partido.