Libu-libong ang nagprotesta sa syudad ng Izmir sa Turkey noong Setyembre 2 para tutulan ang pagdaong ng USS Wasp, isang barkong pandigma ng US na nakapusisyon sa Middle East bilang suporta sa Israel.
“Ayaw namin sa Izmir ng barkong Amerikano na magdadala ng gera at kamatayan sa Palestine!” pahayag ng mga nagpuprotesta. Iginiit nila ang kagyat na paglayas ng barko mula sa kanilang pyer. Lulan ng barko ang 1,500 sundalong Amerikano. Katatapos lamang nitong lumahok sa isang war game kasama ang mga pwersang nabal ng Turkey noong Agosto. Liban sa USS Wasp, nasa rehiyon din ang USS Oak Hill at USS New York na parehong nakapwesto bilang pansuporta rin sa Israel.
“Halos isang taon nang nagsasagwa ng brutal na masaker ang Israel sa Gaza,” pahayag ng mga nagpuprotesta. “Sa pagpatay ng puu-puong mamamayan, hindi lamang gumagawa ng malaking krimen laban sa sangkatauhan ang Israel… panunulsol din ito para pumutok ang isang madugong gera sa aming rehiyon.”
Isa sa mga nanguna sa mga protesta ang anti-imperyalistang Turkish Youth Union. Kinundena nila ang gubyerno ng Turkey na nagpahintulot sa pagdaong ng barko. Ipinanawagan nila ang pag-alis ng mga Amerikanong sundalo sa mga lansangan ng Izmir matapos hawakan ng kabataan ang dalawang US Marine na nagliliwaliw sa syudad habang pinagsisigawan ng “Yankee go home!”
“Hindi dapat dinudumihan ang ating bansa ng mga Amerikanong sundalong duguan ang kamay sa pagpatay sa ating mga sundalo at libu-libong Palestino,” pahayag ng kabataan.