Ang Bayan Ngayon » Lider-magsasaka sa Cebu, inaresto


Iniulat ng Karapatan-Central Visayas ang pag-aresto sa lider-magsasaka ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)-Cebu na si Allan Flores noong Enero 21 sa kanyang sakahan sa Sibagay 2, Barangay Cantabaco, Minglanilla, Cebu. Anang grupo, dinampot si Flores ng nakasibilyang mga ahente ng estado na umano’y naghain sa kanya ng mandamyento de aresto.

Mayroong mga nakasampang kasong pagpatay at tangkang pagpatay sa Bohol laban kay Flores. Tinawag ng Karapatan-Central Visayas ang mga kasong ito na “gawa-gawa.” Kasalukuyan siyang nakapiit sa Lutopan Police Station sa Toledo City, Cebu.

Samantala, iniulat ng pambansang pamunuan ng KMP ang lantarang panggigipit ng hinihinalang mga ahenteng paniktik ng gubyerno laban kay Danilo Ramos (Ka Daning), tagapangulo ng KMP. Naitala ng grupo ang paghahanap ng mga lalaking sakay ng motorsiklo kay Ka Daning noong Enero 3 at 15 sa Malolos City, Bulacan, kung saan siya nakatira.

Sa isang insidente, itinanong pa ng mga lalaki kung “Tagasaan ba si Danilo Ramos? Matagal na namin siyang hinahanap kasi terorista siya.” Kinundena ito ng KMP at sinabing isa itong mapanganib at lantarang kaso ng “teroristang pagbabansag” na may direktang banta sa buhay ni Ka Daning, kanyang pamilya at maging sa iba pang kasapi at lider ng KMP.

Ayon pa sa KMP at grupong Tanggol Magsasaka, tumindi ang pagmamatyag at paniniktik laban kay Ka Daning simula noong nagdaang taon. Isinadokumento ito ng KMP at Tanggol Magsasaka at isinumite sa Commission on Human Rights noong Agosto 2023 para isiwalat ang mga paglabag sa karapatang-tao ng mga pwersa ng estado.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!