Ang Bayan Ngayon » Magsasaka, pinaslang ng 2nd IB sa Masbate sa gitna ng pananalasa ng bagyong Enteng

September 3, 2024


Walang pinalampas na masamang panahon ang 2nd IB sa teroristang pananalasa nito sa mamamayan ng Masbate. Sa gitna ng bagyong Enteng, pinaslang ng mga sundalo ang 30-anyos na magsasakang si Tata Bacutin noong Setyembre 1 alas-5:00 ng umaga sa Barangay Pili sa bayan ng Placer.

Si Bacutin ang ika-33 biktima ng pampulitikang pamamaslang sa Masbate sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Tulad sa karamihan ng kanilang krimen, pinalalabas ng militar na si Bacutin ay napatay siya sa isang armadong engkwentro.

“Malaki ang pananagutan ng dinastiyang Kho sa pagpaslang kay Bacutin at sa higit isandaang biktima ng pampulitikang pamamaslang mula nang maupo si Gov. Antonio Kho noong 2016,” pahayag ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Masbate.

Anang mga magbubukid, ang pagtindi ng karahasan at terorismo ng Armed Forces of the Philippines ay bahagi ng desperasyon ni Gov. Kho na manatili sa kapangyarihan. Tahasan ang pagbabanta mismo ni Rep. Wilton “Tonton” Kho na marami pa ang mamamatay sa Masbate kung hindi mananalo ang kanyang pamilya sa darating na halalan.

Ilang dekada nang naghahari ang warlord na pamilyang Kho. Pinangungunahan nito ang kabi-kabilang pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka. “Ang AFP-PNP-CAFGU ang makabagong private army ng mga Kho at iba pang naghaharing uri sa prubinsya,” anang PKM-Masbate.

Nagpaabot ang grupo ng pakikiramay sa pamilya at mga mahal sa buhay ni Bacutin. Ayon sa PKM-Masbate, buo ang suporta nito sa kampanya ng rebolusyonaryong hustisya na pinangungunahan ng Bagong Hukbong Bayan upang parusahan ang AFP-PNP-CAFGU sa mga krimen nito at papanagutin ang mga utak sa likod ng mga pagpatay.

Habang pinalalakas ng BHB ang armadong pakikibaka sa prubinsya, mahalaga umanong pagtibayin ng mga magbubukid ang kanilang pampulitikang pagkakaisa laban sa terorismo ng estado, ayon sa grupo. “Malalabanan ng mga Masbatenyo ang mga ganting salakay ng kaaway sa pamamagitan lamang ng pagkakaisa at sama-samang paghahanda at pagmamatyag ng mga komunidad upang maprotektahan ang bawat indibidwal mula sa panunugis ng militar.”

Sa talaan ng Ang Bayan, pangalawa ang Masbate, kasunod ng Negros Occidental, sa mga prubinsyang mayroong pinakamaraming biktima ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ng rehimeng US-Marcos.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss