Nagprotesta sa harap ng National Housing Authority (NHA) sa Quezon City ang mga myembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-San Roque para batikusin ang malawakang diskwalipikasyon sa mga maralita para sa programang pabahay ng ahensya ngayong araw, Agosto 30. Mga residente sila ng Sityo San Roque, Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City na tutol sa mapanghati na programa ng ahensya sa pabahay.
Ayon sa grupo, “ang mga entitlements (karapatan) na inilatag ng NHA sa pamamagitan ng Project Inter-Agency Committee (PIAC) ay nagdudulot ng diskriminasyon at panghahati (sa mga maralita).” Ang mga rekisitong inilatag nito ay mapanghati at nagdudulot lamang ng mas malalim na diskriminasyon sa mga residente ng San Roque.
Ang PIAC ay komite ng NHA na nangangasiwa sa koordinasyon at implementasyon ng mga proyektong pabahay laluna ang mga nakabaloob sa resettlement at sosyalisadong pabahay.
Sumama sa pagkilos si Ka Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng pambansang upisina ng Kadamay at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan. Aniya, sa loob ng ilang taong pakikibaka ng San Roque, nakita na halos lahat ng mga sinusubukang ibigay ng NHA sa mga residente ay hindi makatarungan at hindi makatao.
Ipinahayag ni Doringo ang pakikiisa sa Kadamay-San Roque sa panawagang ibasura ang mga entitlement ng NHA at tiyakin ang karapatan sa paninirahan ng lahat.
“Kailangan tuparin ng gubyerno ang kanyang responsibilidad para sa disente, abot-kayang pangmasang pabahay para sa lahat,” ayon pa sa Kadamay-San Roque. Nanawagan din ang grupo na ibalik ang pondo para serbisyong pabahay ngayong 2025 upang makapagpatayo ng sosyalisadong pabahay para sa mahihirap.
Sa tala ng Inklusibo, grupong sumusuporta sa mga karapatan ng mga nasa impormal na sektor, nananatiling mayroong 3.8 milyong Pilpino ang nasa impormal na paninirhan habang 4.5 milyon ang walang tinutuluyan. Sa harap nito, umaabot sa 6.5 milyong pabahay ang backlog ng rehimeng Marcos.