Kabi-kabila ang naging pagbatikos ng mga organisasyon sa karapatang-tao at mga samahang nakabase sa University of the Philippines (UP) sa marahas na pagbuwag at pagkordon ng mga pulis sa protesta ng mga lider-estudyante ng UP noong Agosto 16 sa Tacloban City, Leyte. Nababahala ang grupong Karapatan na posibleng hudyat at simula pa lamang ito ng mas matindi pang panunupil sa hanay ng mga kabataang-estudyante ng UP.
“Lubha kaming nababahala sa marahas na dispersal na panunupil sa karapatan ng mga estudyante sa mapayapang pagtitipon at pagpapahayag ng kanilang mga hinaing, at posibleng ito ay simula pa lamang ng pinatinding panunupil sa mga kampus ng UP sa buong bansa,” pahayag ng Karapatan.
Dalawang oras na kinordon ng mga pulis ang may 100 estudyante mula sa iba’t ibang kampus ng UP dahil wala umanong permiso ang kanilang protesta. Ginabi na sila sa sentro ng Tacloban City dahil sa ginawa ng mga pulis. Isang estudyante ang pinosasan, pinadapa sa kalsada at inapak-apakan ng ilang pulis.
Liban dito, kinuha din ng mga pwersa ng estado ang mga dalang plakard at banner ng mga nagprotesta. Nakaranas ang mga estudyante ng matinding intimidasyon, pananakit at iba’t ibang pagbabanta. Sapilitan ding kinuha ng pulis ang pagkakakilanlan at ID ng mga nagrali. Isang delegado ang hinimatay dahil dito.
“Dalawa o tatlong minuto pa lang ang lumilipas ay nagpunta na kaagad sa amin ‘yong mga pulis para paalisin kami at umabot sa punto na hinabol ang mga kasama. Maraming nadapa, nasubsob at nasugatan,” ayon kay Carla Padilla, lider-estudyante ng UP Los Baños na lumahok sa pagkilos.
Pinatampok ng mga lider-estudyante ng UP sa naturang protesta ang usapin ng pagsupil sa kanilang akademikong kalayaan, pagwakas sa militarisasyon sa mga kampus ng UP at pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal kabilang ang Tacloban 5, kung saan ilan sa kanila ay mga estudyante ng UP Tacloban. Ito ang unang pagkilos ng mga kabataan sa sentro ng Tacloban City simula noong 2020.
Ang mga lider-estudyante ng UP ay nasa Tacloban City para sa taunang General Assembly of Student Councils o pagtitipon ng mga kinatawan ng mga konseho ng mag-aaral. Binuklod sa pagtitipon na ito ang mga konseho para sa kampanya sa pagtataguyod ng karapatan ng mga estudyante at pagtatampok sa mga isyung pambayan. Pagtitipon rin ito para hirangin ang rehente ng mag-aaral ng UP na kakatawan sa kanila sa Board of Regents.
Ang Tacloban City ay pinaghaharian ng mga Romualdez. Nakaupo bilang meyor ng syudad si Alfred Romualdez, pinsang buo ni Ferdinand Marcos Jr.
Ang pag-atake sa mga lider-estudyante ng UP ay ilang araw matapos ang pagpirma noong Agosto 8 ng administrasyon ng UP at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang “deklarasyon ng kooperasyon” para pahintulutan ang pagtutulungan ng dalawang institusyon. Itinuring ito ng mga grupo bilang atake sa akademikong kalayaan.